MGA PROYEKTO PARA SA PAG-UNLAD NG EKONOMIYA NG CENTRAL LUZON, PINLANO SA NUEVA ECIJA

Matagumpay na idinaos sa Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Matias Umali, kasama ang Unang Ginang ng lalawigan at dating gobernadora at Kongresista Czarina “Cherry” Domingo Umali ang 1st Quarter General Assembly ng Central Luzon Growth Corridor Foundation, Inc. (CLGCFI).

Pangulo ng foundation si Governor Susan Yap ng Tarlac, na dumalo sa assembly kung saan natipon ang mga Investment Promotions Officers mula sa pitong lalawigan ng Central Luzon, gayundin ang mga kinatawan ng DTI Region 3 at mga provincial offices nito sa pangunguna ni DTI Region 3 Assistant Regional Director Dr. Richard Simangan.

Tinalakay dito ang mga ‘accomplishments’ at plano para sa 2025, kabilang ang mga estratehiya upang mapalakas ang investments, trade, at competitiveness ng Central Luzon.

Ayon kay Dr. Simangan, hindi lamang ito simpleng pagpupulong, dahil ito ay isang hakbang upang pagtibayin ang mga plano at proyekto para sa mas mabilis na pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon.

Dahil sa pamamagitan aniya ng CLGCFI, mas maraming investments ang papasok sa rehiyon, na magreresulta sa mas maraming trabaho, mas mataas na kita, at mas malakas na negosyo.

Paliwanag naman ni Provincial Administrator Atty. Jose Maria Ceasar San Pedro, na ang pagiging host ng Nueva Ecija sa pagtitipon ngayong taon ay isang hakbang na makatutulong na mapalawig ang mga oportunidad sa lalawigan at maipakilala ito bilang isang investment destination sa Central Luzon.