MAS MARAMING NOVO ECIJANO, MAKIKINABANG SA E-KONSULTA NG PHILHEALTH
Pinagtibay sa 5th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang kasunduan sa pagitan ng Exact Medical Services Corporation para sa pagtutulungan sa ganap na pagpapatupad ng Philhealth Konsulta Program.
Ayon kay Provincial Health Officer II Dra. Josefina Garcia, target nilang mapataas ang bilang ng mga Novo Ecijanong naka-enroll sa Philhealth para maavail ang e-konsulta package na nagkakalahaga ng Php1,700 kada taon.
Sa pamamagitan nito ay maaari nang makapagpakonsulta ang mga pasyente online at makapagpalaboratoryo tulad ng CVC, chest X-ray, at urinalysis ng libre.
Sinabi ni Dra. Garcia na limitado lamang kasi sa 20,000 population kada isang Doctor ang maaaring maiparehistro sa e-konsulta sa mga Rural Health Units o Municipal and City Health Office.
Tinataya kasing nasa 50,000-60,000 ang populasyon ng bawat bayan kaya naman minabuti ni Governor Oyie na humanap ng makakatuwang ang pamahalaang panlalawigan na bababa sa mga komunidad para iparehistro ang iba pang mga Novo Ecijano sa e-konsulta.
Lahat din aniya ng mga District Hospitals sa lalawigan ay mga e-konsulta accredited na kaya ang lahat ng mga rehistrado na sa e-konsulta ay maaaring makaavail ng mga serbisyo sa pinakamalapit na ospital sa kanilang lugar.

