PABUYANG PISO SA KADA LAMOK, SOLUSYON BA PARA DENGUE AY MATEPOK?
Dead or alive ay handang magbayad ng piso kada lamok at kiti-kiti, ang pamunuan ng Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa kanilang lugar.
Ang lahat ng mga isusurender na mga lamok ay ilalagay sa isang glass aquarium na may UV lights na pupuksa sa mga ito.
Nag-viral sa social media ang kampanya kontra dengue na ito na sisimulan ngayong araw, February 19, 2025, kung saan marami ang pumuri sa naturang inisyatibo ng barangay ngunit mayroon ding naalarma at nagsabing baka magbreed nalang ang mga tao ng lamok dahil sa pabuya.
Paglilinaw ng pamunuan ng barangay sa Facebook post na walang masamang intensyon ang kanilang programa kundi naglalayong makatulong sa mga programa ng Nasyunal at Pamahalaang Panlungsod bilang alternatibo at karagdagang pamamaraan para labanan ang lumalalang suliranin sa dengue.
Nilinaw din nila na ang kampanya ay hindi pangmatagalang ipatutupad dahil kapag bumaba na ang kaso ng dengue ay pansamantala itong ititigil, ngunit kapag muli nanamang tumaas ang kaso ay muli din nilang itutuloy ang programa.
Ayon pa rin sa pamunuan, nangunguna ang kanilang barangay sa naturang lungsod sa may pinakamataas na kaso ng dengue na nakapagtala ng apat napu’t apat kung saan ay may isang nasawi.
Kaya naman maliban sa paglalagay ng OB Trap, Clean Up Drive ng Team Sisid Kanal, Fogging ng AHLERT at Palit Basura para sa Pagkain sa Mesa ay naisipan nilang isagawa ang “May Piso sa Mosquito” campaign.
Ito ay pagbibigay lamang umano ng insentibo para sa pagtutulungan ng komunidad para puksain ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Base sa datos ng Department of Health, maliban sa Quezon City ay walong lugar pa mula sa Metro Manila, Central Luzon, at Calabarzon ang posibleng magdeklara ng dengue outbreak.

