Aprubado sa Ika-13 Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang paglagda sa Data Sharing Agreement sa Philippine Statistics Authority (PSA) na magpapadali sa pamahalaang panlalawigan na magkaroon ng access sa 2024 Community Based Program System (CBMS) data ng mga bahaging lungsod at munisipalidad.
Binigyang linaw ng Resource Person na si Atty. Ricardo Atayde (Provincial Legal Officer and Designated Data Protection Officer) na layunin ng Data Sharing Agreement sa Philippine Statistics Authority (PSA) na makapag bigay daan sa pamahalaang panlalawigan na makita ang data base o information ng mga rehistrado.
Makatutulong umano ito sa pagplano at pagpapatupad ng mga karagdagang proyekto gaya na lamang ng investment programming, budgeting, program identification, implementation, at Disaster Risk Reduction and Management alinsunod sa mga mandato ng republic act no. 11315 o ang CBMS Act.
Dagdag pa niya, ang layunin ng kasunduan ay makapag bigay ng mga datos na kailangan ng pamahalaang panlalawigan upang malaman kung sino sino ang mga nadagdag at naka rehistro sa bawat lalawigan, sa pamamagitan nito ay malalaman din ang mga pumanaw na dapat ng alisin sa data base ng PSA.
Binigyang boses naman ni Board Member Dante C. Wagayen, Jr. (President-IPMR) ang mga hinanaing ng mga katutubo sa Nueva Ecija na nakapag silang sa tulong lamang ng komadrona o hilot kung tawagin, at hirap makapag parehistro dahil walang kakayahang agarang makababa sa kanilang tahanan sa taas ng kabundukan.
Paliwanag niya, hindi tinatanggap na beripikado ang lagda ng mga katutubong manghihilot dahilan kaya hirap iparehistro ang ilan sa mga bagong silang na sanggol ng katutubo.
Mungkahi naman ni Board Member Belinda Palilio sa nabanggit na suliranin, ay maaring magparehistro ang mga pinagkakatiwalaang komadrona, o kinikikilalang manghihilot ng mga katutubo sa pinaka malapit na local civil registry nang sa gayun ay kilalanin silang beripikado sa paglagda sa birth certificate ng sanggol na isinilang.
Sa ilalim ng Data Sharing Agreement, inaasahang magkakaroon ng mas maayos na pagplano at pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa mga mamamayan ng buong lalawigan.

