Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinatayang ₱6.2 milyong halaga ng hinihinalang substandard na plywood, habang naaresto ang isang 48-anyos na Chinese national sa operasyon sa San Simon, Pampanga noong Disyembre 8, 2025.

Isinagawa ng Regional Field Unit 3, CIDG Pampanga Provincial Field Unit, at San Simon Municipal Police Station ang Search Warrant laban sa Asiaway Resources Trading, Inc. sa Global Aseana Park 1, Brgy. Dela Paz, dahil sa paglabag sa Article 18(a) ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.


Sa operasyon, nakumpiska ang 7,024 piraso ng umano’y substandard na Crocodile Phenolic Plywood na nagkakahalaga ng ₱6,231,200.

Sa ulat na nakarating kay PMGen. Robert AA Morico II, Acting Director ng CIDG, kinilala ang suspek na si “Tian,” isang Chinese national na umano’y nahuling nagmamay-ari, nagdi-distribute at nagbebenta ng construction materials na walang clearance mula sa Department of Trade and Industry–Bureau of Philippine Standards (DTI–BPS).

Nadiskubre rin sa lugar ang isang improvised shotgun o “sumpak” at apat na bala ng 12-gauge.

Binigyang-diin ng CIDG na tungkulin ng estado na protektahan ang kapakanan ng mga mamimili at tiyaking sumusunod ang mga negosyo sa itinakdang pamantayan.

Ipinaliwanag din ng ahensya na ang kawalan ng Philippine Standard (PS) Mark sa mga produktong ibinebenta ay indikasyon na hindi ito nakapasa sa mandatoryong quality at safety standards.