TAMANG PAMASAHE SA TRICYCLE NG CABANATUAN CITY, DISCOUNT PARA SA MGA ESTUDYANTE, MAY PAG-ASA NA NGA BANG IPATUPAD?
Matapos ang ilang taong pagtitiis at pangangalampag, nabigyan na rin ng tugon ang boses ng mga komyuter at estudyante kaugnay sa mataas na singil sa pamasahe ng mga pumapasadang tricycle sa Cabanatuan City at ngayon ay hinihintay na lang ang konkretong aksyon ng lokal na pamahalaan.
Kasunod ito ng pakikipagpulong ng LGU Cabanatuan sa Araullo University Central Student Council (AUCSC) at Cabanatuan City Student Congress (CCSC) sa Session Hall ng Sangguniang Panlungsod noong April 2, 2025.
Dito, kinilala ng LGU ang kakulangan sa komunikasyon tungkol sa tatlong taon nang petisyon ng mga estudyante na Reporma sa Pasada na humihiling ng fixed o standard na pamasahe at ipinakita nila ang plano para sa Tricycle Code, na layuning magkaroon ng malinaw at standard na pamasahe sa lungsod.
Matatandaan noong March 31, 2025 nag post ang AUCSC at dalawang linggo matapos ang pagsumite ng petisyon, tumawag at nag-text ang AUCSC sa Tanggapan ng Alkalde. Sa halip umano na direktang sagutin, itinuro sila sa Community Affairs Office, na nagsabing nasa proseso pa raw ang petisyon at humingi ng control number para sa tracking. Sinabihan rin sila na magkakaroon ng dayalogo sa Alkalde o sa isang opisyal, ngunit matapos nilang humiling ng schedule sa Community Affairs Office, wala na silang natanggap na tugon.
Dahil dito, patuloy ang naging panawagan ng AUCSC at mga kalahok na paaralan sa Cabanatuan City Student Congress para sa agarang aksyon mula sa LGU. Ayon sa AUCSC ay walang ipinakitang agarang pagtugon o pagpapahalaga sa layunin ng petisyon ang Pamahalaang lokal ng Cabanatuan. Sa halip, ito’y sinalubong ng puro dahilan. Ngunit nitong April 2, nag post ang AUCSC at ipinaliwanag na nagkaroon lang ng miscommunication sa kanila at sa LGU Cabanatuan City.
Sa panayam sa ilang mga estudyante, reklamo nila ang labis na singil sa pamasahe sa traysikel na hindi nila ma-afford kaya’t bihira silang sumakay rito.
Bago ang pandemyang COVID-19 noong taong 2019, ang pamasahe sa traysikel sa Cabanatuan City may itinakdang taripa; para sa single passenger, ang regular na pasahe ay 20.00 pesos, habang ang mga estudyante, senior citizen, at persons with disability (PWD) ay nagbabayad ng 15.00 pesos. Kung dalawa o higit pa ang pasahero, bawat isa ay sinisingil ng 15.00 pesos para sa regular, at 10.00 pesos naman para sa estudyante, senior citizen, at PWD. May karagdagang bayad na 5.00 pesos para sa bawat susunod na kilometro kung lalampas sa unang 3 kilometro ng biyahe.
Sa aming pag-iikot at obserbasyon, wala kaming nakitang nakalapat na taripa sa karamihan ng mga tricycle at halos iilan na lang ang meron nito.
Mula noong 2019 ay hindi pa ito napapalitan pero hindi na sinusunod ng mga TODA (Tricycle Operators and Drivers Association) dahil Malaki na rin umano ang itinaas ng presyo ng gasolina, kaya kontratahan na ang kalakaran sa paniningil sa pamasahe sa tricycle at wala nang discount ang mga estudyante kung saan pinaka mababa ang P40.00 bawat pasada.

