BAKIT IMPORTANTENG BUMOTO NG TAMANG SENADOR?

Ano nga bang trabaho ng Senador?

Ano ba ang qualification para maging senador sa Pilipinas?

At magkano ang sinasahod ng isang Senador?

Binubuo ng 24 na tao ang Senado at sila ang tinatawag nating mga Senador. Mayroon silang kapangyarihan na gumawa ng bagong batas at magrebisa ng mga lumang batas. Pero hindi iyon agad ipinapasa dahil kailangan pa nila itong depensahan sa Senado at idaan sa House of Representatives bago makaabot sa Pangulo.

Sila rin ang punong abala tuwing may impeachment trial. In short, sila ang may kapangyarihan na magpatalsik ng mga pulitiko sa gobyerno. Sa senate hearing naman, nangangalap sila ng impormasyon para gumawa ng resolusyon o disiplinahin ang kapwa opisyal. Maaari rin nilang panagutin o suspendihin ang nililitis. Karapatan din nila itong sigawan, panggigilan, at dikdikin.

Bukod pa dito, sila rin ang umaasikaso sa mga kasunduan sa ibang bansa at pwede rin nilang aprubahan o tutulan ang Martial Law at pardon mula sa Pangulo. Ngayon, paano nagka-Martial Law noon kung kaya naman pala itong pigilan ng mga Senador? Simple lang ang sagot diyan, hindi ito napigilan kasi wala ng pipigil dahil binuwag noon ang Senado.

Pero ano nga ba ang qualification o standard na kailangan para maging Senador sa Pilipinas?

Ayon sa 1987 Constitution, ang kandidatong Senador ay dapat ipinanganak sa Pilipinas, tatlumpu’t limang taong gulang sa araw ng halalan, marunong bumasa at magsulat, rehistradong botante, at nanirahan sa bansa sa loob ng dalawang taon bago ang eleksyon.

Ganyan lamang ang kwalipikasyon para maging senador samantalang gumagawa at nagrerebisa ng batas. Kaya sana naman taasan natin ang standard natin. Kung anong tinaas ng standard natin pagdating sa jowa, dapat ganun din pagdating sa pagpili ng iboboto natin kasi ito ang deserve ng Pilipinas. Lalo na dahil pinapasahod natin sila ng 90,000 na pwedeng umabot ng 600,000 hanggang 5 milyon tuwing mamumuno sila ng kumite.

May pagkakataon tayong bumoto ng tamang Senador dahil pinapalitan naman ang labindalawang Senador kada tatlong taon pero dapat pa rin tayong maging mapanuri dahil sila ay uupo sa senado ng anim taon. Sa kanilang mga kamay nakasalalay ang mga batas na ipatutupad sa ating bansa para sa kapakanan nating mga mamamayan at kinabukasan ng ating bayan.

Kaya bumoto tayo ng tama at matalino, dahil kung hindi, tayo rin ang kawawa sa huli.