BABALA! SENSITIBONG BALITA:
PHP400K INSURANCE PARA SA PAMILYA NG MGA NAPATAY SA KARAMBOLA SA SCTEX
Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng Solid North Transit sa loob ng tatlumpung araw matapos ang malagim na aksidente noong Mayo 1 sa northbound toll plaza ng Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX) sa Tarlac City.
Mahigit 200 yunit ng bus ng kumpanya ang isinailalim sa inspeksyon, at lahat ng kanilang mga driver ay dumaan sa drug testing.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nakatulog umano sa pagmamaneho ang driver ng bus kaya nawalan ito ng kontrol at inararo ang pila ng mga sasakyan sa toll gate.
Limang sasakyan ang sangkot sa insidente: isang Nissan Urvan, dalawang SUV, isang trailer truck, at ang pampasaherong bus ng Solid North Transit.
Sampung katao ang nasawi at 37 ang sugatan sa naturang banggaan. Walo sa mga namatay ay sakay ng van na patungo sana sa isang Youth Camp ng Seventh-day Adventist Church sa Pangasinan. Ang driver ng van lamang ang nakaligtas.
Nasawi rin ang mag-asawang sakay ng isang SUV na biyaheng Baguio City para sana sa isang bakasyon kasama ang kanilang anak na siyang nakaligtas sa aksidente.
Samantala, kinumpirma ng mga awtoridad na negatibo sa alcohol at illegal drugs ang driver ng bus. Gayunpaman, dahil sa matinding kapabayaan, pinatawan siya ng Land Transportation Office (LTO) ng habambuhay na pagbawi ng kanyang lisensya at diskwalipikasyon sa pagmamaneho.
Bukod dito, posible rin siyang maharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries, at Multiple Damage to Property, ayon sa pulisya.
Ayon naman sa Department of Transportation (DOTr), sasampahan ng reklamong sibil ang Solid North Transit. Nagpahayag naman ang pamunuan ng kumpanya ng kahandaang managot sa insidente.
Bilang agarang tulong sa mga naulila, inatasan ng LTFRB ang Passenger Accident Management and Insurance Agency (PAMI) na iproseso agad ang Php400,000 insurance claim para sa bawat pamilya ng mga nasawi.
Sa kasalukuyan, nakaburol na ang walong biktima sa simbahan ng Seventh-day Adventist sa Antipolo City, habang ang mag-asawang nasawi ay nakaburol sa Plaridel, Bulacan. Nakatakdang ilibing ang mag-asawa ngayong araw May 7 habang ang libing ng walong iba pang biktima ay isasagawa nang magkakahiwalay sa May 8 at May 9.
Patuloy na nananawagan ang mga pamilya ng mga biktima, gayundin ang publiko, ng hustisya at mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa sektor ng pampublikong transportasyon upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.

