Nangako ang aktres at komedyanteng si Marietta Subong, o mas kilala bilang Pokwang, na personal niyang dadalawin ang mag-amang nasangkot sa viral road rage incident, partikular na ang batang babaeng nakasaksi sa pananakit sa kanyang ama.

Sa isang video na ibinahagi niya sa Facebook, humingi ng taos-pusong paumanhin si Pokwang kaugnay ng road rage incident kinasangkutan ng lalaking sakay ng puting Toyota Hilux, na kinumpirma niyang kanyang kapatid.

Ayon sa aktres, hindi niya sinusuportahan ang ginawang pananakit at malinaw niyang sinabi na hindi siya kampi sa maling ginawa ng kanyang kapatid, kahit pa sila ay magkadugo.

Giit niya, “Ang kasalanan ni Pedro ay hindi kasalanan ni Juan,” at nilinaw na ang pagkakapareho ng apelyido ay hindi nangangahulugang pareho sila ng pananaw at asal.

Bilang isang ina, binigyang-diin ni Pokwang ang epekto ng insidente sa batang babae na umiiyak habang sinasaktan ang kanyang ama.

Dahil dito, sinabi niyang nais niyang personal na humingi ng dispensa sa mag-ama.

Bagama’t nanawagan siya na pakinggan ang magkabilang panig ng kuwento, inamin niyang mali ang pananakit at hindi ito kailanman katanggap-tanggap.

Muling humingi ng tawad ang aktres at nagbabala laban sa patuloy na pagpo-post ng larawan ng kanyang buong pamilya, na aniya’y maaaring pumasok sa cyberbullying at cyber libel.

Iginiit din niya ang karapatan ng kanyang pamilya sa privacy at proteksyon, lalo na laban sa mga umano’y politiko na nakisangkot sa isyu kahit hindi naman taga-Antipolo.

Samantala, sa viral video na kumalat sa social media, makikita ang galit na pakikipagtalo, pagmumura at pananakit ng drayber ng Hilux sa isang lalaking nagtutulak ng kariton habang kasama ang kanyang anak.

Dahil dito, mariing kinondena ng Land Transportation Office (LTO) ang insidente.

Sa post ng ahensya, iniutos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang paglalabas ng Show Cause Order laban sa drayber at sa registered owner ng sasakyan.

Kasabay nito, sinuspende ng 90 araw ang lisensya ng drayber habang isinasagawa ang imbestigasyon, at posibleng tuluyang ma-revoke ang lisensya kung mapatunayang nagkasala.

Giit ng LTO, hinding-hindi kukunsintihin ang karahasan sa lansangan at sisiguruhing mabibigyan ng hustisya ang biktima ng insidente.