PRESYO NG BIGAS, BUMABA NG PITONG PISO KADA KILO DAHIL SA MASAGANANG ANI

Para sa presyong palengke, good news para sa ating mga mamimili dahil bumaba ang presyo ng bigas.

Masayang ibinahagi ng mga tindera sa Cabanatuan Public Market na bumaba na ang presyo ng bigas matapos ang masaganang anihan.

Ayon kay Mrs. Annie Ocampo ng Ethan Rice Store, ang dating presyo na 45 pesos kada kilo ay bumagsak na hanggang 38 pesos dahil sa pagdagsa ng bagong ani.

Ang pangunahing dahilan aniya ng pagbaba ng presyo ng naturang produkto ay ang dami ng supply ng palay sa panahon ng anihan.

Sa Ethan’s Rice Store, makakabili na ng bagong ani sa halagang 38 pesos kada kilo. Ang Sinandomeng, 40 pesos kada kilo, habang ang Angelica o Pandan ay nasa 42 pesos kada kilo. Ang Stargazer, mabibili sa 45 pesos at ang Maharlika, 50 pesos kada kilo. Kung hanap naman ay mas mabangong variety, may Jasmine rice na 55 pesos kada kilo. At para sa malagkit na bigas, nasa 65 pesos ang presyo nito.

Ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA, bumagal ang inflation rate ng bansa sa 1.4% nitong Abril, mas mababa kumpara sa 1.8% noong Marso. Paliwanag ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, ito na ang pinakamababang inflation mula pa noong November 2019, dulot ng pag-mura ng bigas at transportasyon.

Tinatayang 8.9% ang ambag ng bigas sa kabuuang inflation, kaya’t malaking ginhawa ito para sa mga mamimili.