PRODUKTONG PETROLYO MAY KATITING NA TAPYAS PRESYO
Sinalubong nang katiting na tapyas-presyo ng produktong petrolyo ang unang linggo ng Marso na kasalukuyang ipinatutupad sa merkado, simula araw ng Martes, March 04, 2025 ganap na alas-6:00 ng umaga.
Umiiral ngayon sa mga gasolinahan ang bawas presyo na 0.90 centavos kada litro ng gasolina, 0.80 centavos sa diesel, at 1.40 naman sa kerosene.
Dito sa Cabanatuan City ipinatupad na ang bawas-presyo sa mga nasabing produktong petrolyo sa mga kompanya ng PHOENIX, Fuel Star, at Flying V.
Sa PHOENIX, ang presyo ng Diesel ay Php50.80 kada litro, Php56.10 sa Super at P56.90 naman sa Premium.
Sa Fuel Star, ang presyo kada litro ng Diesel ay Php51.10, Php56.40 naman ang Premium Trekker, at 57.20 sa Premium Supreme. Habang, Php72.00 naman sa Kerosene.
Samantala, sa Flying V ang kasalukuyang presyo ng Diesel ay nasa Php51.43, Php55.70 naman sa Volt, at Php56.20 sa Thunder.
Ang kakarampot na rollback sa mga produktong petrolyo ay bunsod umano sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

