ISKOLAR NG KAPITOLYO, ISA NANG CPA

Isa na namang iskolar ng bayan ang nagbigay ng karangalan sa Nueva Ecija matapos pumasa sa Licensure Examination for Certified Public Accountant (CPALE) noong Disyembre 2024.

Kabilang si Kyle Cheska Diamsay, 22 taong gulang mula Barangay Mamandil, Talavera, sa mga bagong Certified Public Accountant ng bansa.

Nagtapos siya ng kursong accountancy sa Eduardo L. Joson Memorial College at isa sa mga benepisyaryo ng scholarship program ng Kapitolyo ng Nueva Ecija.

Ayon kay Diamsay, hindi siya makapaniwala nang malamang siya’y pasado dahil tulog siya nang lumabas ang resulta, kaya nagulat na lamang siya nang makatanggap ng pagbati mula sa mga kaibigan at mahal sa buhay.

Layunin umano niyang na makapasa ng “one take” upang madaling makahanap ng trabaho at makatulong sa kanyang pamilya.

Inamin din niyang hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan dahil naging malaking hamon sa kanya ang kakulangan sa pinansyal na suporta, lalo na’t maraming gastusin sa pag-aaral at pagre-review.

Sa kabila nito, nakapagtapos pa rin siya sa tulong ng scholarship program na tumulong sa kanyang allowance at gastusin sa pag-aaral.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Diamsay na ine-enjoy pa niya ang tagumpay bilang CPA, bagama’t wala pa siyang tiyak na plano, pinag-iisipan aniya ang pagpasok sa accounting firm, audit firm, gobyerno, o pribadong kumpanya.