SAN JOSE CITY GENERAL HOSPITAL, KINILALA BILANG ‘MOTHER-BABY FRIENDLY HEALTH FACILITY
Kinilala ng Department of Health (DOH) Region 3 ang San Jose City General Hospital bilang isang Mother-Baby Friendly Health Facility noong ika-7 ng Marso ng kasalukuyang taon.
Ayon kay OIC Chief Nurse Darien Mateo, bahagi ito ng programa ng DOH na naglalayong palakasin ang ugnayan ng mga ina at mga sanggol sa pamamagitan ng wastong pagpapasuso.
Paliwanag naman ni Nurse I Henry Jude Alonzo, ang kanilang natanggap na pagkilala ay hindi lamang mahalaga sa ospital kundi pati na rin sa mga karatig bayan ng San Jose City, dahil ang programang ito ay makakatulong sa mga ina mula sa pagbubuntis hanggang sa panganganak, upang sila’y makaiwas sa iba’t-ibang health issues na may kaugnayan sa pagpapasuso.
Aniya, ang tamang pagpapasuso ay malaki ang maitutulong sa pagbuo ng mga organs ng sanggol lalo na ang utak, at nagsisilbi rin ito bilang pangunahing pinagmumulan ng sustansya.
Para naman umano sa mga ina, nakakatulong ito upang makaiwas sa breast cancer, at makabawas sa gastusin sa pambili ng gatas.
Dagdag pa ni Nursing Attendant II Novie Nodora, ang pagkilala ay naging inspirasyon ng mga empleyado upang mas lalo nilang pag-igtingin ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyo sa publiko.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamunuan ng ospital sa Kapitolyo sa pangunguna ni Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc. Anthony Umali, sa kanilang patuloy na suporta sa mga programang pangkalusugan kaya binigyang pagkilala ng San Jose City General Hospital.

