BABALA! SENSITIBONG BALITA:
DUNG-AW: PANAGHOY AT HINAGPIS NG ISANG GINANG SA PAGLISAN NG KABIYAK
Tatlong buwang paghihintay ang ininda ni Jhen sa pag-uwi ng kanyang asawang si Michael ‘NikNok’ Lagrana. Ngunit ang pananabik at inaasam na mga yakap ng asawa ay hindi na niya natikman. Dahil malamig nang bangkay si Michael nang muling magbalik sa piling ni Jhen.
February 5, 2025, natagpuan ang bangkay ni Julius sa irigasyon ng Barangay Ungib, San Quintin, Pangasinan—may piring sa mata, nakagapos ang kamay at paa. Sa gitna ng pagdadalamhati, lumapit ang kanyang asawang si April Bautista sa programang Wanted sa Radyo upang humingi ng tulong, at umaasang makakamit ang hustisya.
Habang lumalamlam ang pag-asa, isang mas matinding bangungot ang bumalot sa pamilya ni Jhen Lagrana—na patuloy na naghihintay ng balita tungkol din sa kanyang asawang si Michael.
March 21, 2025 lumutang ang naagnas na katawan ni Michael sa Barangay Lagasit, San Quintin, Pangasinan. Ngunit hindi ito ang asawang muling yayakapin, kundi isang kalunos-lunos na bangkay—wala ang ulo, mula bewang pababa hanggang tuhod lamang ang natagpuan.
Positibong kinilala ni Jhen na si Michael ang natagpuang bangkay batay sa suot nitong Calvin Klein na brief—na parehong suot niya noong araw na siya’y nawala. Upang makumpirma ang pagkakakilanlan, nagsumite rin ang pamilya ng DNA sample sa crime laboratory, na tinatayang umaabot sa isang buwan bago mailabas ang opisyal na resulta.
Sa isang iglap, naglaho ang lahat ng pag-asa ni Jhen, napalitan ng hindi masukat na sakit—isang sugat na hindi kailanman maghihilom.
Sa gitna ng dalamhati, nagbahagi si Jhen ng mensahe sa kanyang Facebook post: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos kuna ang aking takbuhin. Iningatan ko ang Pananampalataya.”
Hustisya ngayon ang hanap at sigaw para kina Michael at Julius ng kanilang mga naiwanang pamilya, kaibigan, at mga mahal sa buhay.- ulat ni Adelhyn Alegria

