BUHAY NG MGA MAGSISIBUYAS, ITINAMPOK SA PHOTO EXHIBIT SA HARVEST HOTEL

Isang photo exhibit ang binuksan noong April 2, 2025, sa Harvest Hotel, Cabanatuan City, upang ipakita hindi lamang ang kahalagahan ng sibuyas sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino kundi pati na rin ang pagsisikap, tiyaga, at sakripisyo ng mga magsasaka sa bawat ani.

Tampok sa Sibuyas: Ani, Buhay, Linamnam ang mga obra ng photographer na si Rhon Velarde bilang pagpupugay sa mga magsasaka ng sibuyas sa Bongabon, Nueva Ecija—ang kinikilalang Onion Capital ng Pilipinas.

Sa pamamagitan ng kanyang lente, itinampok ni Velarde ang matinding pagsisikap at dedikasyon ng mga magsasaka, mula sa pagtatanim hanggang pag-aani, na siyang pundasyon ng agrikulturang pangkabuhayan sa lalawigan.

Ipinahayag din niya ang layuning maipakita ang buong proseso ng pagsisibuyas upang higit na maunawaan ng publiko ang mahalagang papel ng mga magsasaka sa lipunan.

Samantala, binigyang-diin ni Armando Giron, pinuno ng proyekto, na ang kultura ng pagsisibuyas ay may malaking papel sa pagpapatibay ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa kanya, hindi lamang ito mahalaga sa kabuhayan ng mga magsasaka kundi isa rin itong industriya na nagbibigay ng malaking kita at pagkilala sa Nueva Ecija bilang pangunahing tagapagtaguyod ng sibuyas sa Pilipinas.

Bahagi rin ng Sibuyas Festival ng Bongabon at pagdiriwang ng Filipino Food Month ang exhibit na ito, na pinangunahan ng Giron Botanic Culture and Arts Center at bukas sa publiko hanggang April 4, 2025.

Layunin nitong ipakita ang sibuyas hindi lamang bilang sangkap sa pagluluto kundi bilang sagisag ng sipag at tiyaga ng mga Pilipinong magsasaka.