MABUHAY GESTURE, OPISYAL NANG PARAAN NG PAGBATI SA NUEVA ECIJA
Pinagtibay sa 11th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na magpasa ng isang resolusyon para sa pagpapalaganap at pagsulong ng ‘Mabuhay Gesture’ bilang opisyal na pagbati sa lalawigan ng Nueva Ecija.
Ayon kay Jan Mara Stefan San Pedro, Acting Provincial Tourism Officer, ito ay bilang pagkilala sa Filipino Brand of Service Excellence na sinimulan ng Department of Tourism noong 2013.
Aniya, marami na ring mga lalawigan ang gumagamit ng ‘Mabuhay Gesture’ sa kanilang mga lokal na pamahalaan at iba pang establisyemento kabilang ang Zambales at Aurora sa Region III.
Habang nangunguna naman ang Science City of Muñoz sa mga munisipalidad at syudad sa Region III na nagpasa ng paggamit ng ‘Mabuhay Gesture’.
Base aniya sa kanilang datos ay mahigit sa 1,500 na mga manggagawa sa Tourism ang nakapagtraining na ng Filipino Brand of Service Excellence at sa kasalukuyan ay mas pinaiigting pa ang kampanya sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga pagsasanay sa ilalim ng Kagawaran ng Turismo.
Ang ‘Mabuhay Gesture’ na kasalukuyan na ring ginagamit na pagbati ng mga kawani ng Provincial Government sa New Capitol sa Palayan City ay ginagawa sa pamamagitan ng paglalapat ng nakabukas na kamay sa dibdib habang nakatingin sa mata ng taong binabati at sinasabi ang salitang ‘mabuhay’.

