NIREDTAG NA LIDER-ESTUDYANTE NAGREKLAMO SA COMELEC AT CHR NG REGION III

Nagsampa ng kaso ang student-leader na si Eyu Delfin, kasama sina Mia Angela Simon at Thomas Franco na mga miyembro ng Kabataan Partylist, sa Commission on Election (COMELEC) at Commission on Human Rights (CHR) ng Region III sa San Fernando, Pampanga noong April 22, matapos silang akusahan na parte ng New People’s Army (NPA) ng mga di-unipormadong militar noong April 10, 2025.

Si Eyu ay isang estudyante ng Central Luzon State University, Coordinator ng MAKABAYAN-CL, at isang human rights advocate. Isa rin sa kanyang sinusulong ay ang SOGIE Equality Rights, Student Rights and Welfare (SRW), at Anti Violence Against Women and Children o VAWC.

Noong November 24, 2024, unang nakatanggap si Eyu ng pagbabanta sa kaniyang seguridad kung saan hinanap siya sa CLSU ng dalawang lalaking nakamotor na nagpapanggap bilang tiyuhin niya.

Ayon kay Eyu, una siyang naghain ng kaso laban sa redtagging, harassment, at intimidation sa Commission on Human Rights dahil naniniwala siya na ang naranasan nyang ilegal na surveillance sa loob ng CLSU at panreredtag ay paglabag sa kanyang karapatang pantao.

Inasahan din nila Eyu na makakatanggap sila ng Certificate of Investigation (COI) mula sa COMELEC noong April 22 dahil nangyari ang harassment habang election period at sapat na ito para makabuo ng electoral case. Ngunit sila ay nabigo dahil sabi ni Atty. Elmo T. Duque na Assistant Regional Director ng COMELEC Region III, walang tiyak o natukoy na mga elemento na maaaring managot sa mga insidente ng red-tagging.

Dagdag pa ni Simon, maibibigay lamang ang Certificate of Investigation kapag nagsagawa ng imbestigasyon ang COMELEC, katuwang ang National Bureau of Investigation. Sabi pa niya, inaasahan nila na ang proseso na ito ay magiging mahaba.

Inanyayahan naman ni Eyu ang mga taong katulad niya na biktima ng redtagging na magsalita upang hindi na muli mangyari ang mga ganitong insidente.