NUEVA ECIJA, KINILALA BILANG NATATANGING KADIWA NG PANGULO PROGRAM IMPLEMENTER SA GAWAD SAKA 2025
Pinarangalan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa Gawad Saka 2025 bilang Outstanding Kadiwa ng Pangulo (KNP) Program Implementer sa Rehiyon III, kasama ang pito pang awardees sa iba’t ibang kategorya.
Iginawad ng Department of Agriculture – Regional Field Office III ang pagkilalang ito sa pamumuno nina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali.
Muling pinarangalan noong Mayo 19, 2025, pagkatapos ng flag raising ceremony sa New Capitol, Palayan City, ang pitong awardees mula sa probinsya.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng mahusay na implementasyon ng Kadiwa ng Pangulo Program, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) at Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office (PCEDO), katuwang ang iba’t ibang ahensiya.
Layunin ng programa na tiyakin ang seguridad sa pagkain at direktang maiugnay ang mga magsasaka sa mga pamilihan.
Isa sa mga tampok na inobasyon ng programa ay ang SAMU’t SARI KooPalengke, isang marketing at display center na matatagpuan sa Kapitolyo ng Nueva Ecija. Dito, regular na makakabili ang mga mamimili ng sariwang ani, mga produktong naproseso, at iba pang kalakal mula sa mga kooperatiba at lokal na negosyo.
Narito ang 8 pinarangalan mula sa Nueva Ecija:
Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija – Outstanding Kadiwa ng Pangulo Program Implementer
Nueva Ecija Provincial Agriculture and Fishery Council – Outstanding PAFC
Golden Beans & Grains Producers Cooperative – Outstanding Kadiwa Program (Agri-Fisheries Enterprise)
G. Arnold Dizon – Outstanding High Value Crops Farmer
New Rural Bank of San Leonardo – Outstanding Rural Financial Institution (Bank Category)
Kilusang Lima Para sa Lahat Cooperative (K5 MPC) – Outstanding Rural Financial Institution (Non-Bank Category)
Simimbaan Communal Irrigators Association – Outstanding Small Water Irrigation Systems Association
FlovenBar Irrigators Association – Outstanding Rice Cluster Irrigators Association for National Irrigation System
Samantala, ang Nueva Ecija, bilang Outstanding KNP Program Implementer, ay kuwalipikadong lumahok sa National Gawad Saka Awards na gaganapin sa Mayo 26, 2025, habang hinihintay pa ang pinal na listahan ng mga pambansang kalahok.
Ang mga parangal na ito ay patunay ng patuloy na kahusayan ng Nueva Ecija sa larangan ng agrikultura, inobasyon sa komunidad, at pagtutulungan ng mga ahensya.
Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa mga magsasaka, mangingisda, asosasyon, kooperatiba, at mga tanggapan na patuloy na nagsusumikap para sa ikauunlad ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.

