Nakasanayan na daw ni Maria Louie Na Lopez at kanyang asawa na magtabi mula sa kanilang sweldo ng pera para ipunin sa alkansya ng buong taon at tuwing Disyembre nila ito binubuksan upang bilangin at pagkatapos ng bagong taon ay muli nanaman silang mag-iipon.

Ngunit noong December 2023 ang kanilang nararamdamang pananabik sa pagbubukas ng kanilang alkansya ay napalitan ng pagkadismaya, pagkabigla at panghihinayang.

Kasi naman ang tig-iisang libong papel na inilagay nila sa alkansya ay nabasa, nangitim at nasira.

Sa post ni Maria Louie sa kanyang Facebook ay nagbigay ito ng paalala sa publiko na kung mag-iipon ng pera ay huwag pagsamahin ang barya at perang papel sa loob.

Huwag din aniya gagamit ng PVC o sa mga nagpapawis na bagay para gawing alkansya.

Mas mainam na rin aniya na kung planong mag-ipon ay huwag na lamang sa alkansya kundi dalhin na lamang sa banko, upang maiwasang madismaya na ang inaakala mong malaking ipon ay inaamag na o durog na pala.