KiloWHAT?
Nanlalagkit ka na rin ba dahil sa init ng panahon? Paano kung ang init na ‘yan ay masabayan pa ng pagkawala ng suplay ng kuryente? Kakayanin mo pa kaya o mapapa kiloWHAT ka na lang?
Sa patuloy na pagtaas ng temperatura, patuloy din ang pagbaba ng suplay ng kuryente bansa. Pangunahing dahilan mataas na demand at pagkatuyot ng mga hydroelectric power plants.
Noong 2024, umabot sa Red Alert ang banta ng Department of Energy o DOE sa suplay ng kuryente. Ang Red alert ay nangangahulugan na ang suplay ng kuryente ay hindi sapat upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ang mga regulatories na kinakailangan ng transmission grid.
Ang bantang ito ng DOE ay nagresulta sa forced outage o pagtigil ng operasyon ng mahigit tatlumpung power plant sa Luzon at Visayas.
Ngayong taong 2025, panibagong babala ang inilabas sa posibleng pagtungtong ng suplay sa Yellow at Red alert, dahil pa rin sa mataas na demand na dulot ng mataas na temperatura.
Isa sa mga tinitingnang pangmatagalang solusyon ng gobyerno sa bantang ito, ay ang pagpapalakas ng renewable energy sources gaya ng solar, wind, at hydro power.
Ayon sa Renewable Energy Act of 2008 o R.A. 9513, layunin ng pamahalaan na isulong ang malinis, mura, at sustainable na kuryente, mabawasan ang pagdepende sa inaangkat na fossil fuels, at higit sa lahat ay maprotektahan ang kalikasan.
Dito sa Nueva Ecija, tatlo sa mga pangunahing renewable energy sources ay matatagpuan: ang Casecnan Hydroelectric Power Plant at Pantabangan-Masiway Dam sa bayan ng Pantabangan. Ang mga dam na ito ay nagbibigay ng malalaking suplay ng kuryente mula sa hydropower at patuloy na nagsisilbing sagot sa lumalaking demand sa enerhiya ng rehiyon.
Kasama ng mga hydro plants na ito, may iba pang mga power plants sa Nueva Ecija na tumutulong sa pagtugon sa lumalaking demand ng kuryente. Halimbawa, ang G2REC at GIFT biomass plants na matatagpuan sa mga bayan ng Llanera at Talavera kung saan gumagamit ng mga organikong materyales upang makapag-produce ng kuryente. Ang biomass energy ay isang malaking hakbang patungo sa malinis at renewable na pinagkukunan ng enerhiya.
Isa pa sa mga kilalang power plants sa Nueva Ecija ay ang mga solar power plants, tulad ng Cabanatuan Solar, na nagpapalawak ng kapasidad ng renewable energy sa lugar. Ang mga solar power plants ay isang hakbang patungo sa mas sustainable na enerhiya.
Samantala, base sa datos ng DOE ukol sa ilang utility providers sa Nueva Ecija, ang NEECO I ay kumukuha ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM at mga renewable energy sources tulad ng hydro at solar power.
Ang NEECO II – Area 1 at Area 2 naman ay nakadepende sa Power Supply Agreements at mga lokal na renewable sources upang matugunan ang pangangailangan ng kuryente sa kanilang mga sakop na lugar. Ang SAJELCO o San Jose Electric Cooperative naman ay kumukuha ng suplay mula sa mga hydroelectric plants at solar energy sources, kaya’t nakakatulong sila sa pagpapalakas ng renewable energy sa kanilang lugar.
Sa datos ng Department of Energy, nakamit ng Pilipinas ang pinaka-mataas na record sa renewable energy capacity noong 2024, matapos makapagtala ng 794.34 megawatts at malagpasan ang naitalang combined 759.82 MW mula taong 2021 hanggang 2023.
Isang indikasyon ito na lumalawak na ang renewable energy sources sa bansa. Pero sa kabila nito nananatiling nangunguna pa rin na pinaka-malaking source ng enerhiya sa Pilipinas ang Coal-fired.
Sa datos pa rin ng Department of Energy na inilabas noong 2024, 43.9% ang kabuuang energy mix na nai-susuplay ng coal-fired at sinusundan lamang ito ng renewables na may 29.7%, samatalang 2.57% naman ang oil-based at natural gas.
Ayon sa mga pag-aaral, ilan sa mga negatibong epekto ng coal-fired ay ang pagkakaroon ng polusyon sa hangin dahil sa binubuga ng mga planta nito na sulfur at nitrogen oxides, ang pagkakaroon ng toxic waste dahil sa mabibigat na metal tulad ng mercury at arsenic na galing sa coal ash, pinapalala rin nito ang climate change dahil ang coal ang isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng carbon dioxide emissions na isa sa mga sanhi ng global warming o ang patuloy na pagtaas ng temperatura.
Kaya naman ganoon na lamang ang kagustuhan ng gobyerno na palawigin ang renewable energy sa bansa, hindi lamang para mapanatili ang suplay ng kuryente sa panahon ng krisis, kundi para magkaroon tayo ng mas malinis at mas ligtas na kinabukasan.
Sa harap ng lumalalang epekto ng climate change at kawalan ng katiyakan sa suplay ng enerhiya, ang paggamit ng renewable energy ay hindi na lamang isang opsyon, kundi isang kinakailangang solusyon. Pero lagi pa ring tandaan na kabilang tayo sa mga dapat gumawa ng aksyon. Simulan natin sa ating mga tahanan, maki-isa tayo sa mga proyektong makakalikasan. Matuto tayong gumamit ng kuryente ng tama at responsible. Para maging parte ng renewable na kinabukasan at kailanman ay hindi na mapapa-kiloWHAT?

