PGNE AT PAFC, KABILANG SA MGA NATIONAL FINALISTS NG GAWAD SAKA 2025

Lubos ang naging pasasalamat ng Provincial Cooperative and Entrepreneurship Development Office (PCEDO) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, matapos tanghaling Regional Winner ng Outstanding Kadiwa ng Pangulo (KNP) Program Implementer sa Gawad Saka 2025.

Ayon kay PCEDO Chief Lorna Mae Vero, malaki ang naging papel ng suporta mula kina Governor Aurelio Umali at Vice Governor Doc. Anthony Umali sa matagumpay na pagpapatupad ng KNP program.

Kabilang sa mga inobasyon ng programa ay ang “SAMU’t SARI KooPalengke,” isang marketing at display center na matatagpuan sa Provincial Capitol na layuning itampok ang mga produkto mula sa mga lokal na kooperatiba at negosyo.

Aniya, kahit may mga hamon sa pagpapatupad, napagtagumpayan ito dahil sa tiwala at pagkakaisa ng mga lider at ahensya.

Binigyang-diin naman ni Acting Provincial Agriculturist Doc. Joebeat Agliam, ang kahalagahan ng koordinasyon sa mga farmer groups upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng mga sariwang produkto para sa KNP.

Dagdag pa niya, napakapalad ng lalawigan dahil lahat ng walong nominado ng Nueva Ecija ay pinarangalan sa regional level ng Gawad Saka.

Ayon pa kay Doc. Agliam at sa ipinost ng Agricultural Training Institute Central Luzon, noong Lunes, May 26, 2025, kinilala na ang Provincial Agricultural and Fisheries Council bilang ‘Outstanding Provincial Agricultural and Fishery Council,’ at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija bilang ‘Outstanding KADIWA ng Pangulo Program Implementer’ sa ilalim ng Local Government Unit Category.

Pareho na silang pumasok bilang mga finalist sa national level at kasalukuyang naghihintay ng opisyal na anunsyo kung sino ang tatanghaling panalo sa buong bansa.

Paliwanag ni Doc. Agliam, patunay ito sa husay ng mga Novo Ecijano sa larangan ng agrikultura.

Nagpasalamat din ang PCEDO at OPA sa lahat ng magsasaka, kooperatiba, at mga katuwang na ahensya sa patuloy na pakikiisa at suporta sa mga programa ng pamahalaan.