CABANATUEÑANG NEGOSYANTE, NAKATANGGAP NG TATLONG PARANGAL SA AMERIKA

Isang Pilipina mula Nueva Ecija ang gumagawa ngayon ng pangalan sa Estados Unidos sa pamamagitan ng kanyang Negosyo na Tang and Java, isang gelato at coffee shop na bukas para sa lahat, lalo na sa mga batang may special needs at kanilang pamilya.

Si Diana Lua na taga Camp Tinio, Cabanatuan City, Nueva Ecija, ina ng apat na lalaki, kabilang ang kambal na may autism, ang nagtatag ng Tang and Java noong Disyembre 2021, dala ang isang simpleng pangarap: makapagbigay ng mas ligtas at mas masustansyang ice cream para sa kanyang mga anak.

Ayon kay Diana, bilang isang ina ng mga batang may special needs, madalas nilang ipagdiwang ang maliliit na tagumpay, tulad ng pagsasalita o pagkain ng bagong putahe.

Isa sa mga paborito nilang pang-selebrasyon ay ice cream. Ngunit isang araw, napansin niyang karamihan sa nabibiling ice cream ay may mataas na asukal at maraming preservatives.

Dito niya naisip na lumikha ng sarili niyang gelato na walang artificial ingredients, gamit ang natural at lokal na sangkap, na mas ligtas para sa mga bata.

Kasabay nito, naisipan niyang magtayo ng coffee shop para sa mga magulang, at higit pa sa negosyo, layunin ni Diana na bumuo ng ligtas at bukas na espasyo para sa lahat, lalo na sa mga may special needs, kung saan malaya silang makakapasok nang walang panghuhusga.

Gamit ang natural at local na sangkap, ipinagmamalaki ni Diana ang kalidad ng kanilang produkto at bukod sa gelato at kape, inaalok din nila ang pagkaing Pinoy tulad ng bibingka, ube brownies, pandan gelato, at ube coffee cake.

Layunin niyang ipakilala ang kulturang Pilipino sa mas maraming tao at ibang lahi sa pamamagitan ng masasarap na pagkain.

Ngayong buwan ng Mayo, tatlong parangal ang sabay-sabay na natanggap ni Diana: UCC Small Business Award (gagawaran sa darating na Hunyo 6), LA Executive Leadership Award, at WOW (Women at Work) Award, na igagawad sa Hunyo 24.

Ngayong taon, plano niyang palawakin ang Tang and Java, maging bahagi ng mga birthday parties, kasalan, at iba pang okasyon.

Plano din niyang magbukas ng bagong branch, at sa hinaharap ay dalhin ang kanyang negosyo sa Pilipinas, lalo na sa Nueva Ecija kung saan siya ipinanganak at lumaki.

Sa kanyang mensahe sa kapwa Pilipino, lalo na sa mga ina, hinikayat niyang huwag silang matakot mangarap.

Inaalay naman niya ang kanyang tagumpay sa kanyang pamilya at sa mga lolo at lola niyang sina Benjamin at Emilia Cajucom na kabilang sa kanyang inspirasyon sa paghahatid ng masustansya at ligtas na pagkain.