ANIMNAPU AT ANIM NA PARES NG MAG-ASAWA, MULING NAGPAHAYAG NG “I DO”
Muling nagpahayag ng kanilang sumpaang magmamahalan hanggang kamatayan ang animnapu at anim na pares ng mga mag-asawa sa ginanap na “Ngayon at Kailanman, Couple’s Retreat”, sa Sierra Madre Suites, Palayan City, Nueva Ecija noong May 24, 2025.
Ilan sa mga dumalo sa paanyaya ng CCF (Christ Commission Fellowship) sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan sina Brother Globin Pelayo, at Sister Juliet Pelayo, tatlumpu at siyam (39) na taon nang nagsasama, at residente ng San Antonio, Nueva Ecija.
Sa kuwento ng mag-asawa, inihayag nilang mas pinatibay pa ng panahon ang kanilang pag-iibigan nang dumating sa kanilang buhay ang kanilang mga anak.
Ayon kay Brother Globin na empleyado sa San Antonio District Hospital, ang sekreto ng kanilang pagsasama ay ang matibay na pananalig sa Panginoon, pagkakaunawaan, tiwala sa isa’t isa at siyempre aniya, dahil masarap magluto ang kanyang maybahay.
Naka-focus umano sila sa simbahan at palagi rin aniya silang active sa gawain doon bilang miyembro ng Shrine Ministry sa Parish of Saint Anthony sa San Antonio, Nueva Ecija.
Bilang haligi ng kanilang tahanan ay sang-ayon si Brother Globin na ang mag-asawa ay nagkakatulungan, na si misis ay nasa bahay lamang bilang ilaw ng tahanan. Habang siya bilang ama o haligi ng tahanan ang siyang dapat na provider para sa kaniyang pamilya.
Pagbabahagi ni Brother Mark Anthony Mendoza, isa sa mga event coordinator ng CCF, hindi naging madali ang paghahanda sa ginanap na retreat, pangunahin na ang pag-iimbita ng maraming couple.
Naisip nila aniya na magsagawa ng ganitong aktibidad para sa mga mag-asawa upang maintindihan ang buhay may asawa.
Kaya nagpaabot siya ng pasasalamat kina Governor Aurelio “Oyie” M. Umali at Vice Gov. Doc. Anthony Umali sa tuloy-tuloy na pagbibigay ng suporta.

