CENTRAL LUZON, NANGUNA SA BASIC LITERACY RANKING; NUEVA ECIJA, PANG-APAT SA LAHAT NG LALAWIGAN SA BUONG BANSA
Sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS), ang Central Luzon ang may pinakamataas na ratings sa lahat ng rehiyon pagdating sa basic literacy matapos makapag-tala ng 95.2% rate.
Sinundan ito ng Cordillera Administrative Region (CAR), Calabarzon, Central Visayas, National Capital Region, Northern Mindanao, Davao Region, Ilocos Region, Western Visayas, at Cagayan Valley.
Sa lahat naman ng probinsya, nanguna ang Apayao na may pinakamataas na ratings pagdating sa basic literacy sa bansa matapos makapagtala ng 95.2% rate, sumunod dito ang Benguet, Romblon, Nueva Ecija, Bohol, Rizal, South Cotabato, Bataan, Cavite, at Bulacan.
Ayon sa ulat ng PSA, naitala ang 94.23% basic literacy rate sa Nueva Ecija, na mas mataas kumpara sa national average na 90.0%.
Sa hanay naman ng mga Highly Urbanized Cities (HUCs), Pasay City ang nakakuha ng pinakamataas na basic literacy rate na 96.2%.
Ang basic literacy ay tumutukoy sa kakayahang bumasa, sumulat, at magbilang, at sa datos ng FLEMMS, tinatayang 93.07 million sa 103.46 million na Pilipino na may edad lima pataas ang may ganitong kakayahan.
Maliban sa basic literacy, sinuri rin ng FLEMMS ang functional literacy o ang kakayahan ng isang tao na bumasa, sumulat, umintindi, at gumamit ng mathematics sa pang-araw-araw na buhay.
Kabilang din ang Central Luzon na may 73% sa mga rehiyon na may pinakamataas na functional literacy rates sa bansa. Nanguna rito ang CAR, na sinundan ng Calabarzon, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, Northern Mindanao, Cagayan Valley, Central Visayas at Bicol Region.
Ang Benguet naman ang may pinakamataas na rating sa lahat ng probinsya para sa functional literacy na nakapagtala 87.9%, at sinundan ito ng Apayao, Rizal, Romblon, Batangas, Siquijor, Bohol, Bataan, Cavite at South Cotabato.
Habang ang San Juan City ang may pinakamataas na functional literacy rate na 94.5% sa lahat ng mga HUCs.

