PAGPAPATAYO NG BAGONG BILIBID SA PALAYAN CITY, NUEVA ECIJA, PINAG-AARALAN

Tinalakay sa 13th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Ecija ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa Deed of Donation para sa ipagkakaloob na 60 ektaryang lupa sa Bureau of Correction para sa pagpapatayo ng bagong Regional Prison Facility sa Aulo, Palayan City.

Ayon kay C/CSupt. Melencio Faustino, direktor ng Bureau of Corrections Land Control and Management Center, inatasan sila ng R.A. 10575 na maghanap ng lupa para makapagpatayo ng panibago at karagdagang kulungan sa Luzon.

Aniya, hindi na raw angkop ang New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa sa pangangailangan ng mga preso at kanilang mga kaanak.

Inusisa naman ni Board Member Eric Salazar ang BuCor sa posibleng magiging estado ng lupang ibibigay sa kanilang ahensya sa mga susunod na taon. Ngunit ayon kay Faustino, mabilis lamang ang magiging proseso nito.

Samantala, Inilatag ni Provincial Administrator, Atty. Jose Maria San Pedro ang dalawang kondisyon ng pamahalaan.

Gayundin, kinuwestiyon ni Board Member Belinda Palilio ang magiging gamit sa lawak ng lupang ibibigay at bilang ng taong ipapasok dito. Sinagot naman ni Faustino na target nilang umabot lamang sa 2,500 hanggang 5,000 ang sagad na ikukulong dito dahil, sa kasalukuyan, umaabot sa mahigit 24,000 na ang mga nasa Bilibid.

Matagal nang pinagpaplanuhan at napag-uusapan ang pagpapatayo ng panibagong Bilibid sa Nueva Ecija. Katulad noong 2016 sa inabandonang proyekto ng Public-Private Partnership (PPP) ng gobyerno na nagnanais magtayo ng modernisadong piitan sa nagkakahalaga ng P50.18 billion sa Fort Magsaysay. Gayundin noong 2022 sa naging kontrobersiyal na kasunduan ng BuCor at Agua Tierra Oro Mina Development Corporation (ATOM) na nasangkot sa isang “treasure hunt” sa loob ng Bilibid. Sa papel, napagkasunduan ng dalawang ahensiya ang pagkakaloob 234 ektaryang lupa sa General Tinio ng ATOM para sa pagpapatayo ng bagong kulungan na tatawagin sanang “Bagong Lupa”.

Sa huli ay napagkaisahan ng kapulungan na dalhin ang tinalakay sa Committee hearing ng Committee on Laws, Rules and Regulation at Committee on Land Utilization para sa mas masusing pag-aaral.