TINAWANAN, MINALIIT, PERO NAGTAGUMPAY, KWENTO NG ISANG WORKING STUDENT NA NAGTITINDA AT NAGDUDUTY PARA SA PANGARAP

Sa mundong puno ng paghuhusga at hirap ng buhay, isang 22-taong gulang na lalaki mula Barangay Bacayao, Guimba, Nueva Ecija ang patuloy na lumaban, nagsumikap, at nagpursige hanggang marating ang matagal niyang pinangarap — ang makapagtapos ng kolehiyo.

Para sa kanyang pamilya at mga taong sumusuporta sa kanya, si Harrison Marquez, isang Bachelor of Science in Criminology graduate mula sa Our Lady of the Sacred Heart College Guimba Inc., ay hindi lamang isang estudyanteng nagtapos; isa siyang tunay na huwaran ng determinasyon at inspirasyon sa kabataan.

Bata pa lang ay namulat na si Harrison sa kahirapan. Elementarya pa lang ay naglalako na siya ng gulay, prutas, isda, at kung ano-ano pang paninda.

Pinagsabay niya ang pag-aaral, pagtitinda, at pagdu-duty sa gabi bilang isang security guard.

Madalas, pagod at lantang gulay siyang papasok sa klase kinaumagahan matapos ang magdamagang trabaho, kapag matumal ang benta, hindi sapat ang kita para sa pamasahe o baon, pero hindi siya sumuko.

May mga nanghusga, may mga tumawa, may mga nagsabing “tindero lang ‘yan, di ‘yan makakatapos.”

Pinagtawanan siya sa kanyang lumang uniporme at gamit habang naglalako, pero sa halip na panghinaan ng loob, ginawa niya itong motibasyon at ginamit niya ang masasakit na salita para lalong magsikap.

Sa kabila ng kakulangan sa pera, buo ang suporta ng kanyang pamilya, kasama nila siyang namamalengke, nag-aayos ng tinda, at tumutulong sa pagde-deliver.

Hindi man aniya siya masuportahan ng kanyang pamilya financially ay sobra-sobra naman ang moral support nila sa kanya.

Noong Mayo 2, 2025, sa harap ng kanyang mga guro, kaklase, at pamilya, suot niya ang kanyang toga, isang patunay ng tagumpay sa kabila ng kahirapan.

Ngayon, kahit nakapagtapos na, ay patuloy pa rin sa pagkayod si Harrison bilang gwardya, delivery boy, gasoline boy, at tindero.

Hindi siya tumitigil, dahil ang pangarap niya ay hindi lamang para sa sarili kundi para rin sa pamilya na naging sandigan niya sa lahat ng pagsubok.