PATAS NA PAGKILALA SA MGA KATUTUBO, BAHAGI NG MULING PAGBUBUKAS NG MT. PINATUBO

Opisyal nang muling binuksan noong June 23, 2025 ang Mt. Pinatubo sa bahagi ng Capas Trail, matapos ang ilang buwang pagsasara.

Ito ay kasunod ng bagong Executive Order No. 06 na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Botolan, Zambales.

Nakasaad sa Executive Order na pinapayagan na ang pagbabalik ng mga aktibidad sa Mt. Pinatubo, lalo na sa lugar na sakop ng Botolan.

Noong June 14, 2025, isinagawa sa entrance ng bundok ang tradisyonal na “dororo” prayer o ang isang panalangin ng mga Aeta para humingi ng gabay, proteksyon, at basbas mula sa kalikasan at kanilang mga ninuno.

Dumalo rito ang mga kinatawan mula Botolan, Provincial Government of Zambales, Capas – Tarlac LGU, Department of Tourism, at mga Aeta.

Matatandaan na pansamantalang isinara ang Mt. Pinatubo noong May 2, 2025 matapos ang protesta ng mga Aeta, dahil hindi umano sila nakakakuha ng benepisyo mula sa mga turista kahit ang trail ay dumadaan sa kanilang lupain.

Noong April 18, 2025, hinarang nila ang mga turista sa Capas trail bilang panawagan na mabigyan sila ng patas na bahagi sa kinikita mula sa turismo.

Ngunit sa tulong ng mga deliberasyon at konsultasyon sa mga Aeta leaders, LGUs, at iba’t-ibang stakeholders, nagkasundo ang lahat na muling buksan ang Mt. Pinatubo sa publiko, ngunit sa paraang mas inklusibo, makatarungan, at may pagpapahalaga sa karapatan at kultura ng mga katutubo.

Sa pagbabalik ng trekking adventure sa Mt. Pinatubo, muling pinaalalahanan ng Capas Tourism Office ang publiko na “trek responsibly and respect nature.”