BABALA! SENSITIBONG BALITA:
MAGSASAKA, NAHULIHAN NG PHP 3-MILYONG HALAGA NG MARIJUANA SA BAYAN NG CABIAO

Nakadetine ngayon sa Cabiao Police Station ang isang magsasaka dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos itong mahulihan umano ng mga awtoridad ng tatlong milyong halaga ng marijuana sa bayan ng Cabiao.

Tinaguriang high value individual (HVI) ang suspek na kinilalang si alias Reymund, 56 years old at residente ng Barangay San Fernando Sur ng nasabing bayan.

Base sa report ng pulisya, alas kwatro ng hapon noong June 24, 2025 isinagawa ng drug enforcement unit ng Cabiao police kasama ang iba pang yunit ng NEPPO ang operation laban sa suspek.

Resulta nito ay nasamsam ang labindalawang halaman ng marijuana sa tahanan ng suspek na tinatayang tumitimbang ng 15,000 grams na may kabuuang presyong tumataginting na PHP 3-million batay sa pagtataya ng Dangerous Drugs Board (DDB).