Para sa mga sawa nang maging single sa papalapit na February 14, araw ng mga puso, na naghahanap ng makakapareha ay nagbigay ng babala sa publiko ang Scam Watch Pilipinas, isang anti-scam watchdog, na mag-ingat sa mga manloloko.
Literal na lolokohin, paaasahin at sasaktan lang ang inyong mga damdamin dahil ang kanilang taktika hahanapin ang kahinaan ng inyong mga puso para mahuthutan lang ng pera.
Ayon sa anti-scam watchdog mayroong walong uri ng love scammer na posibleng maging aktibo ngayong buwan ng Pebrero, kaya ingatan ang mga puso at huwag padalos-dalos, mas pairalin daw ang utak.
Ang walong uri umano ng love scammer ay:
- THE SAD GURL/BOI – gumagawa ng mga malulungkot na istorya para maging kawawa pagkatapos ay hihiritan ka ng pangungutang o paghingi ng pera.
- THE SEDUCER – aakitin ka gamit ang angking kagandahan o kagwapuhan para makakuha ng pera mula sa inyo.
- THE INVESTOR – mag-aalok ng investment at magpapanggap na successful sa buhay ngunit ang modus ay magtakbo ng pera.
- THE SERVICEMAN – magpapanggap na kabilang siya sa militar para makapanloko.
- THE ESCORT – gumagamit ng mga mapang-akit na profile pictures sa social media.
- THE BLACKMAILER – madalas na laman din ng mga balita, sila yung mga pa-fall na kapag nakuha na ang inyong tiwala ay hihingan kayo ng malaswang larawan o video para gamiting pangblackmail kapalit ay pera upang hindi ipakalat sa social media.
- THE SLOW BURN – slowly but surely, matiyagang manunuyo para magmukhang mabait at pagkatiwalaan ngunit manloloko pala.
- THE PREDATOR – age doesn’t matter daw sa pag-ibig, mga may edad na ang target na biktimahin ay mga mas bata sa kanila.
Sa lahat ng mga panlolokong ito ayon sa ScamWatch ang pinakamasakit ay ang mapaibig ka.

