MGA MAY KULAY NA BIGAS, MAINAM PARA SA MGA DIABETIC; MAKAKATULONG SA PAGTAAS NG KITA NG MGA MAGSASAKANG NOVO ECIJANO

Posibleng makapagbigay ng mas mataas na kita sa mga magsasaka ang produksyon ng pigmented rice sa lalawigan ng Nueva Ecija, ayon kay Acting Provincial Agriculturist Doc. Joebeat Agliam sa isinagawang briefing kaugnay ng programang “The Rise of Golden Grains: Pigmented Rice Production.”

Ang pigmented rice ay uri ng bigas na may karaniwang kulay tulad ng brown, black, yellow, purple, at red dulot ng pigment na tinatawag na “anthocyanins.”

Ayon kay Doc. Agliam, mayaman ito sa antioxidants, may mababang glycemic index, at mainam para sa mga diabetic at sa mga taong nais magbawas ng timbang.

Aniya, ang ganitong klase ng bigas ay dati lamang tinatanim sa matataas na lugar gaya ng bayan ng Gabaldon at isang beses lang inaani kada taon.

Ngunit, sa tulong ng bagong variety na CLS2 na idinivelop ng Central Luzon State University (CLSU), maaari nang itanim ang pigmented rice sa mabababang lugar at maani ng dalawang beses kada taon.

Dagdag pa ni Doc. Agliam, maaaring mas malaki ang kita sa CLS2 variety ng pigmented rice dahil umaabot umano ito ng 5 hanggang 6 na metric tons kada anihan, mas mataas kumpara sa mga naunang variety na umaani lamang ng 2 hanggang 4 na metric tons.

Inaasahan na kapag naging matagumpay ang techno demo, mas maraming magsasaka ang mabibigyan ng libreng binhi at mas mapapalawak pa ang taniman ng pigmented rice sa buong lalawigan.

Sa kasalukuyan, patuloy sa pagtutulungan ang CLSU at Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist upang maisulong ang proyekto.

Kabilang sa kanilang koordinasyon ay ang pamamahagi ng libreng binhi, training at briefing ng mga magsasaka, at paghahanap ng lugar para sa techno demo.

Tumutulong din ang Kapitolyo sa marketing upang matiyak na maibebenta ang ani, lalo na sa mga organic practitioners na itinuturing bilang pangunahing market outlet ng CLS2 pigmented rice.

Hinikayat din ni Doc. Agliam ang CLSU na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa Kapitolyo para sa mas malawak pang pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa sektor ng agrikultura.