81-YEAR-OLD NA LOLO, NAKULONG DAHIL NAPAGKAMALAN; TULOY ANG LABAN PARA SA KALAYAAN

Hindi pa tapos ang laban para sa kalayaan ng otsentay uno-anyos na si Prudencio Calubid Jr., biktima ng mistaken identity, matapos maghain ng Office of the Solicitor General (OSG) ng motion for reconsideration upang baligtarin ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbigay sa kanya ng kalayaan.

Paliwanag ng OSG, sa pangunguna ni Solicitor General Darlene Marie Berberabe, nagkamali ang CA sa pagbibigay ng writ of habeas corpus petition ni Calubid Jr., na nagresulta sa kanyang paglaya mula sa anim na buwang pagkakakulong sa Manila City Jail.

Ngunit sa desisyon ng CA, inihayag na si Calubid Jr. ay biktima ng maling pagkakakilanlan at hindi siya ang tunay na Prudencio Calubid na may kasong robbery with double homicide, damage to properties, at multiple counts of murder.

Ayon kay Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan dapat na mas mahahalagang bagay ang pagtuunan ng OSG kaysa pag-aksayahan ng resources ng gobyerno ang isang inosenteng matanda, at may sakit na mamamayan.

Si Calubid Jr. ay isang retiradong technician mula sa Olongapo City na may chronic kidney disease, arthritis, at gout. Ang tunay na Prudencio Calubid, na may kasong kriminal, ay isang National Democratic Front consultant na nawawala mula noong 2006 matapos umanong dukutin.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, tinatalakay ng pamilya ni Calubid Jr. ang kanilang mga opsyon kung maghahain ng demanda para humingi ng kabayaran sa damages o pinsalang natamo, o magsampa ng reklamo laban sa mga pulis na umaresto sa kanya.