HIGIT 600,000 MANGINGISDA, MANGGAGAWA, KABILANG ANG MGA NASA ZAMBALES, APEKTADO SA ALITAN SA TERITORYO SA WEST PHILIPPINE SEA
Nagsagawa ng synchronized coastal protests ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) sa paggunita ng ikasiyam na anibersaryo ng hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa West Philippine Sea.
Ayon sa PAMALAKAYA, ang hatol ng PCA noong 2016 ay nagpahayag na ang China ay “nagkasala ng pandarambong sa kapaligiran ng dagat sa pamamagitan ng malawakang reklamasyon at pangingisda, at paglabag sa karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa kanilang eksklusibong sonang ekonomiko”.
Paliwanag ni Fernando Hicap, National Chairperson ng PAMALAKAYA, sa kabila ng ating makasaysayang tagumpay sa PCA, hindi pa rin tumitigil ang China sa paglabag sa karapatan sa pangingisda sa bahagi ng mga probinsiya sa bansa na sakop ng West Philippine Sea- tulad ng Kalayaan sa Palawan, Masinloc sa Zambales, at Infanta sa Pangasinan.
Umaabot umano sa mahigit 600,000 mangingisda at manggagawa sa industriya ng pangingisda ang direktang naaapektuhan mga lugar na ay direktang naaapektuhan ng alitan sa teritoryong ito.
Sigaw ng PAMALAKAYA, igalang ng China ang hatol ng PCA at respetuhin ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda sa kanilang tradisyonal na lugar ng pangingisda.
Nais din ng grupo na magsagawa ng “diplomatikong hakbang upang ituloy ang demilitarisasyon nang walang paglahok mula sa mga dayuhan sa ating teritoryal na katubigan”.

