YUMAONG INA, INSPIRASYON AT GABAY NG MAGNA CUM LAUDE SA GUIMBA SA PAGTUPAD NG PANGARAP NA MAGING GURO

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, matagumpay na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in English si Axellel Eldrei A. Domingo sa St. Louis University, Baguio City, isang proud na anak ng Barangay Cawayang Bugtong, Guimba, Nueva Ecija at ngayon ay naghahanda na para sa Licensure Examination for Teachers (LET).

Para kay Axelle, ang kanyang tagumpay ay bunga ng sakripisyo, tiyaga, at higit sa lahat, ng inspirasyon mula sa kanyang yumaong ina na isa ding guro.

Pumanaw ang kanyang ina noong 2020 dahil sa breast cancer, kasabay ng kanyang pagpasok sa kolehiyo.

Bago ito mangyari, iniwan ng kanyang ina ang payo na kung sakaling wala pa siyang napipiling kurso, subukan niya ang edukasyon, isang mungkahi na kalauna’y naging gabay niya sa pagpili ng landas.

Pagbabahagi niya, hindi naging madali ang pag-aaral sa Baguio, sa katunayan, tanging ang SLU lamang ang tumanggap sa kanya matapos hindi makapasok sa ibang unibersidad.

Dagdag pa rito, naharap siya at ang kanyang ama sa hamon ng gastusin sa kolehiyo, ngunit sa kabutihang-palad, may isang kamag-anak ang tumulong sa kanya, isang tita na dati namang inalagaan ng kanyang ama noong bata pa at para kay Axelle, ito ay isang patunay na kung anong kabutihan ang itinanim mo ay babalik sayo.

Sa kanyang pagtahak sa landas ng edukasyon, nabigyan siya ng pagkakataong makibahagi sa SEA-Teacher Exchange Program kung saan siya ay nakapagturo sa Indonesia.

Dito niya mas lalong naunawaan ang kahalagahan ng pagiging isang inclusive at culturally sensitive na guro, natutunan niyang igalang at isaalang-alang ang kultura, paniniwala, at pinagmulan ng bawat mag-aaral, isang mahalagang aral na kanyang isasabuhay sa pagtuturo.

Aminado si Axelle na dumaan siya sa mga sandaling gusto niyang sumuko lalo na’t mabigat ang demand ng pagiging future teacher, ngunit sa tuwing siya’y panghihinaan ng loob, humuhugot siya ng inspirasyon sa mga taong naniniwala sa kanya: ang kanyang ama, mga kaibigan, at ang alaala ng kanyang ina.

Ngayon, bitbit ang mga aral ng buhay at inspirasyon ng kanyang ina, determinadong makapasa si Axelle sa LET at magpatuloy sa pag-abot ng mas mataas na pangarap, kabilang na rito ang magturo, mag-aral ng master’s, at balang araw ay makapagtapos din ng doctorate degree.

Payo niya sa mga estudyanteng nawawalan ng gana o tiwala sa sarili, na humanap ng inspirasyon, maaaring pamilya, kaibigan, o pangarap; huwag kalimutang magpasalamat sa mga tumulong sa’yo at laging humingi ng gabay sa Diyos at higit sa lahat, huwag kang susuko.