Pinagtibay sa 5th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pag-iimbak ng mga relief goods ng naturang ahensya sa pasilidad ng provincial government sa ilalim ng “Buong Bansa Handa” program sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Ayon kay Vice Governor Anthony Umali, malaking tulong sa lalawigan ang mismong pag-iimbak ng relief goods ng ahensya na magagamit sa mga emergency o hindi inaasahang mga kalamidad upang mapadali ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga kababayang maaaring maapektuhan nito.

Gagamitin naman ang Convention Center sa Palayan City bilang imbakan ng mga relief goods.

Sinabi ng bise gobernador na bagaman preparado din ang PSWDO para sa mga kalamidad ay nakadadagdag ng kapanatagan ng loob na maramdamang nasa likod nila ang pamahalaang nasyunal na handang umalalay at umantabay para sa mga Novo Ecijano.

Kung ikukumpara sa ibang lugar ay maituturing ani Vice Gov. Anthony na maswerte ang Nueva Ecija dahil walang mga bulkan ang maaaring pumutok at sa kasalukuyan ay wala pa namang mga bagyo o malalakas na pag-ulan ang nararanasan bagay na dapat ipagpasalamat sa Panginoon.

Kung sakali man aniya na walang maging kalamidad ay nakabantay naman sila sa mga expiry date ng mga relief goods at kung sakaling hindi magamit ay irerequest na lamang sa ahensya na ipamahagi ito sa mga indigent people o mahihirap nating kababayan.

Kaugnay nito ay sinabi din niyang tuloy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng tig-iisang sako ng bigas ng pamahalaang panlalawigan sa bawat pamilyang Novo Ecijano.