Sugatan, bugbog sarado, may mga paso ng sigarilyo at wala nang buhay nang matagpuan sa irrigation canal ang dalawang binatilyo matapos umattend sa debut ng isang kabarangay sa Sta. Arcadia, Cabanatuan City, Nueva Ecija noong March 2, 2024.

Kinilala ang mga biktima na sina Jamil Fermin, at Kyle Joseph Dela Cruz kapwa disi siete anyos, at residente ng naturang lugar.

Ayon sa kanilang mga kamag-anak, dumalo lamang ang mga ito sa birthday party ng kanilang kaibigan noong March 1 ng gabi.

Nakauwi pa umano sa bahay ng alas onse ng gabi si Jamil ngunit bumalik ito sa party bandang alas dose ng hating gabi.

Habang si Kyle ay napag-alamang nanuod pa umano ng karera sa Vergara Highway nang hanapin ng mga magulang. Kaya hindi nag-alala pa ang kanilang pamilya.

Ngunit lumipas ang buong magdamag ay hindi nakauwi ang mga ito. March 2, alas dose trenta ng tanghali nang Makita ang nakalutang na bangkay ni Kyle at motorsiklo nito sa patubig ng bukid sa gilid ng kalsada.

Nang i-ahon ang motor doon lumantad ang katawan ni Jamil na nakadagan dito.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay patuloy na iniimbestigahan ng Cabanatuan Police ang sanhi ng pagp̶a̶t̶a̶y̶ sa mga biktima at kung sino ang gumawa nito.

Kaya nananawagan naman ang mga magulang nina Jamil at Kyle sa mga salarin na sana ay sumuko na sila at sa mga awtoridad upang mabigyan ng hustisya ang pagpanaw ng kanilang mga anak.

Base sa nakuhang CCTV footage, huling nakitang buhay at magka-angkas ang dalawa sa motor alas dose trenta ng madaling araw noong March 2.

Nakatakdang ihatid sa huling hantungan ang mga labi ng biktima sa Linggo, March 10.