Welcome ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa gagawing imbestigasyon hinggil sa alegasyon na umano’y may isang mananaya na dalawampung beses na nanalo sa lotto sa loob ng isang buwan.
Mariing pinabulaanan ng PCSO ang naging pahayag ni Sen. Raffy Tulfo at nanindigan na patas at dumaan sa tamang proseso ang pagbobola sa Lotto. Iginiit din ng tanggapan na walang nangyayaring pagmamanipula sa resulta nito.
Sinabi ni PCSO General Manager Melquiades Robles na marahil ay nagkamali ang senador sa kanyang interpretasyon sa naturang isyu.
Nilinaw ni Robles na ang tinutukoy na indibidwal ni Tulfo ay hindi nanalo ng Jackpot sa regular Lottery Games kundi sa isang digit games na mas mababa ang premyo tulad ng 2D, 3D, 4D at 6D.
Ipinaliwanag ng PCSO na ang mga winner ng digit games ay maaaring ipakuha ang premyo sa mga lotto outlet agents o kaya naman ay sa kinatawan ng winner kung hindi personal na makokolekta ng nanalo.
May ilang winners din ang pumapatol sa paki-claim scheme dahil sa kawalan ng valid IDs at nakatira sa malayong lugar.
Dagdag pa ni Robles, sa inilabas na listahan ay wala ring bettor ang nagwagi ng higit sa isang beses sa kanilang jackpot-bearing games gaya ng Lotto 6/42, Mega Lotto 6/45, Super Lotto 6/49, Grand Lotto 6/55, at Ultra 6/58 na tila hindi napansin ng senador.
Dahil sa naturang isyu ay muling sisiyasatin ng Senate Committee on Games and Amusement sa Lunes ang kontrobersya sa mga lotto draw, kabilang na ang e-lotto na agad napanalunan ang higit kalahating bilyong pisong premyo noong Disyembre at Enero.

