Nagpahayag ng kagalakan si President Ferdinand Marcos Jr. matapos umangat ang kanyang trust at approval rating mula sa publiko base sa isinagawang survey sa fourth quarter ng 2023.

Lumabas sa resulta ng Social Weather Stations (STS) Survey noong December 8 hanggang 11, 2023 na 65% ng mga adult Filipinos ang masaya sa paglilingkod ng Pangulo.

Batay naman sa resulta ng “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research Group na isinagawa noong December 10 hanggang 14, 2023, nakakuha si PBBM ng 76% trust at 71% approval rating mula sa publiko na mas mataas kumpara sa 73% at 65% trust at approval rating na naitala noong third quarter ng 2023.

Ikinagalak ito ni PBBM dahil nakikita na aniya ng mga Pinoy na nasa tamang direksyon ang mga polisiya at batas ng administrasyon na hiningi sa Kongreso.

Kasunod ng resulta, ay nangako si Pangulong Marcos na mas sisipagan pa niya ang kanyang trabaho upang mas pagandahin ang buhay ng kanyang mga kababayan.

Samantala, nilinaw din niya na hindi siya gumagawa ng polisiya base lamang sa resulta ng mga survey.