Panlulumo ang nadarama ng mga magsisibuyas na aming nakapanayam sa Nueva Ecija partikular sa mga bayan ng Bongabon at Gabaldon sanhi ng kanilang pagkalugi dahil sa pagdami ng umatakeng harabas sa kanilang mga pananim.
Ayon kina Lito Fuertes, at Ferdinand Manuel, nasubukan na nilang gumamit mula sa pinaka mura hanggang sa pinakamahal na pesticide, pero sa halip na mapuksa ay mas dumami pa ang mga ito.
Kwento ni Cristopher Quiday, bagaman doble na ang dosage ng gamot ang kanilang ginamit sa pag puksa sa mga harabas ay wala parin itong naging epekto.
Base sa inilabas na datos ni DA Regional Field Office III Bureau of Plant Industry director Gerald Glenn Panganiban, umabot sa 366 hectares sa higit 10,200 hectares na taniman ng sibuyas ang naapektuhan ng armyworms as of January 2024.
Ngunit tanging ang 6.9 hectares lamang umano ang nasira, habang ang 359.1 hectares naman ang nagkaroon ng bahagyang pinsala.
Panawagan ng mga magsisibuyas, nawa ay matulungan sila ng gobyerno na masolusyonan ang problema nila sa mga pesteng harabas kundi ay baka mamamatay ang industriya ng pagsisibuyas sa lalawigan.
Binisita naman ng team ng Balitang Unang Sigaw si Dr. Danila Paragas, isang Chemist researcher sa Central Luzon State University na nag-aral kung paano puksain ang army worms
Nagsimula aniya ang problema sa mga nasabing peste noong taong 2016 at sa paglipas ng panahon ay naobserbahan aniya nila ang paglakas ng resistensya ng mga ito kumpara sa dati.
Ang magandang balita para sa mga magsisibuyas ay nakaimbento na ang grupo nina Dr. Paragas ng pamatay sa resistant na harabas.
Bagaman hindi pa available itong Deals sa merkado ay maaari na itong mabili exclusive dito sa Nanotech, CLSU sa halagang Php1,200 per liter.
Tumawag lang sa 09361862451 o mag email sa nanotech@clsu2.edu.ph para sa inyong order.
Ako si Jairus Luix G. Eugenio, nag-uulat para sa Balitang Unang Sigaw!

