17 PASYENTE, LIBRENG NAOPERAHAN SA BAYAN NG GABALDON
Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija, sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO), ang Surgical Caravan sa Gabaldon Medicare and Community Hospital kung saan nagbigay ng libreng operasyon.
Umabot sa 17 minor surgical procedures ang naisagawa ng mga Chief of Hospitals at surgeons mula sa iba’t-ibang hospitals ng probinsya.
Ayon kay Senior Medical Officer III Rhoda Francia, nasa 20 patients ang nagpakonsulta, ngunit ang ilan ay kinailangang i-refer sa mas malalaking hospital dahil komplikado ang kanilang kondisyon.
Karamihan sa isinagawang operasyon ay pagtanggal ng lymphoma at cystic nodules.
Layunin ng surgical caravan na mailapit ang serbisyong medikal sa mga mamamayan at maiwasan ang pagdagsa ng pasyente sa malalaking hospital.
Isa sa mga pasyente, si Roneta Camacho, na 20 years nang may lymphoma.
Aniya, bagamat hindi ito delikado, labis na siyang naiirita kaya laking pasasalamat niya sa programang ito ng pamahalaang panlalawigan.
Ganun din ang kwento ni Marlon Sodario, na may bukol sa likod sa loob ng dalawang dekada.
Dati na aniya itong ipinakonsulta sa private hospital ngunit hindi kinaya ang mataas na bayarin, kaya hindi niya naipagpatuloy ang operasyon.
Kaya malaking tulong aniya ang libreng surgical mission dahil ang pera na sana’y pambayad sa opera ay magagamit niya sa ibang gastusin.
Patuloy na isasagawa ang ganitong libreng operasyon sa iba’t-ibang hospitals sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan upang mas marami pang pasyente ang maging benepisyaryo ng programang ito.

