PAULIT-ULIT, PARE-PAREHONG HALAGA NG MGA PROYEKTO NG DPWH SA 2026, IBINULGAR SA SENADO

Nagbabala sina Senate finance committee chairman Win Gatchalian at Senador Erwin Tulfo hinggil sa mga iregularidad sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways o DPWH matapos lumabas ang listahan ng mga “red flag” na proyekto sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Sa ginanap na public hearing ng Senate Committee on Finance noong September 2, isiniwalat ni Gatchalian ang ilang problema tulad ng:

  • kawalan ng station numbers sa ilang proyekto sa Davao Oriental, Quezon, at Biliran;
  • pagkakapare-pareho ng halaga ng pondo;
  • paghahati-hati ng mga proyekto sa iba’t ibang phase o package;
  • mayroong rounded figures na budget;
  • paggamit ng coded project names; at
  • pag-uulit ng ilang proyekto mula sa 2025 budget papunta sa 2026 proposal.

Partikular na tinukoy ang mga duplicated projects sa Tarlac at Bulacan; phase-based projects sa Zambales at Pampanga; round-number budgets sa Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Bataan, Bulacan, Camarines Sur, Sorsogon, at Albay; at mga proyektong may code names sa Lanao del Norte, Bukidnon, Isabela City, at kahabaan ng Bukidnon–Davao Road. Mayroon ding mga proyektong nakapaloob na sa 2025 General Appropriations Act na muling lumitaw sa 2026 National Expenditure Program sa Pangasinan at Quezon.

Samantala, ibinunyag naman ni Senador Erwin Tulfo na ilang flood control projects sa Antique, Iloilo, Apayao, Nueva Ecija, at Kalinga ay may eksaktong magkaparehong halaga ng pondo, indikasyong posibleng may political insertions. Aniya, hindi lamang sa bicameral conference committee nakikita ang ganitong anomalya, kundi pati sa mismong National Expenditure Program (NEP).

Dagdag pa ng senador, mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kumilala na may kuwestiyonableng items sa flood control projects ng DPWH.

Binibigyang-diin ngayon sa Senado ang pangangailangang tiyakin na ang badyet ay tunay na mapupunta sa proteksyon ng mga komunidad laban sa pagbaha at hindi lamang mapakinabangan ng iilang pulitiko.