APO WHANG-OD, TAMPOK SA PANDAIGDIGANG DOKUMENTARYO NA “TREASURE OF THE RICE TERRACES”
Mula sa mga bundok ng Kalinga patungong entablado ng pandaigdigang sinehan, muling pinatunayan ng isandaan at walong taong gulang na si Apo Whang-od na huling mambabatok ng Kalinga, ang halaga ng kulturang Pilipino sa pamamagitan ng dokumentaryong “Treasure of the Rice Terraces.”
Sa teaser, tinatalakay ni Filipino-Canadian filmmaker Kent Donguines ang personal niyang paghahanap sa ugat ng kulturang Pilipino, sa pamamagitan ng kwento ni Apo Whang-od at ng kasaysayan ng batok sa Buscalan.
Tampok si Apo Whang-od na ginagawa ang tradisyunal na batok, gamit ang sinaunang teknika ng hand-tapped tattooing.
Kinuhanan sa dokumentaryo ni Kent Donguines ang pamumuhay sa Buscalan at ang koneksyon nito sa tattoo culture.
Ipinakita na ang mga rice terraces sa hilagang Luzon ay hindi lamang likha ng kalikasan kundi pamana ng kultura.
Sa “Treasure of the Rice Terraces”, sinundan ni Donguines ang kwento ni Apo Whang-od—ang kanyang sining ng batok, at ang kasalukuyang pamumuhay ng mga Kalinga.
Minsang tinabunan ng stigma at diskriminasyon, ang batok ay muling sumibol bilang simbolo ng karangalan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino, hindi lamang sa bansa kundi maging sa diaspora.
Itinatampok din sa dokumentaryo ang mga hamon sa pagpapanatili ng kultura, kabilang ang paglipas ng panahon at komersyalisasyon;
Mga isyung gaya ng cultural appropriation, stolen mummified ancestors, at diskriminasyon sa mga may tattoo; at ang kahalagahan ng cultural sovereignty—ang karapatang protektahan, ipasa, at pagyamanin ang sariling kultura ng isang bayan.
Ang dokumentaryo ay ipalalabas sa Vancouver International Film Festival (VIFF) sa October 2025, bilang bahagi ng lineup ng mga pelikulang tumatalakay sa kultura, identidad, at kasaysayan ng mga katutubo.
Pahayag ni Kent Donguines, direktor ng Treasure of the Rice Terraces, na ito ay hindi basta tungkol sa tattoo. Ito aniya ay tungkol sa koneksyon—sa ating ugat, sa ating mga ninuno, at sa ating kultura, at paraan ng pagbawi sa ating kwento bilang Pilipino.
Mula sa tunog ng bambong sa balat hanggang sa liwanag ng international spotlight, bitbit ni Apo Whang-od at ng kanyang mga apo ang apoy ng isang kulturang hindi kailanman napawi, kundi patuloy na sumisiklab sa puso ng mga Pilipino sa buong mundo.

