IBA’T-IBANG ISLA AT KULTURA SA VISAYAS, PINAG-ISA NG ‘ONE VISAYAS TOURISM CIRCUITS’
Pormal nang inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang ‘One Visayas Tourism Circuits’ na layong pag-isahin ang four administrative regions na Central Visayas, Eastern Visayas, Western Visayas, at Negros Island Region bilang iisang destinasyon.
Tampok sa programa ang tatlong pangunahing circuits.
Kabilang ang UNESCO Heritage at Gastronomy Trails, na nagtatampok ng culinary traditions tulad ng Chicken Inasal at Piaya ng Bacolod, La Paz Batchoy at Pancit Molo ng Iloilo, Binagol at Moron mula Tacloban at Samar, pati na rin ang sikat na Cebu Lechon at Calamay ng Bohol.
Para naman sa mga mahilig sa dagat, mayroon ding Diving Expeditions, tampok ang Balicasag Island, whale shark-visited Sogod Bay, Nogas Island sa Antique, pati na rin ang diving spots sa Iloilo, Bohol, Southern Leyte, at Limasawa Island.
Bukod pa rito, kasama rin ang Heritage Trails and Cultural Discoveries na nagpapakita ng kultura at tradisyon ng iba’t-ibang lugar sa Visayas.
Ayon sa DOT, mas madali na ring makapunta sa mga probinsya dahil sa mas maayos na flight connections sa loob ng rehiyon.
Sa suporta ng mga lokal na pamahalaan, tour operators, at mga private sectors, mas pinadali na rin ang pagkuha ng tour packages para sa mga nagnanais malibot ang Visayas.
Para sa DOT, ang One Visayas ay hindi lang tungkol sa turismo kundi pagpapakita rin na sa kabila ng pagkakaiba-iba ng isla at kultura, nagkakaisa ang Visayas.

