Inatasan ni Governor Aurelio Umali ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na magsagawa ng imbestigasyon sa bisinidad ng Dupinga River sa Bayan ng Gabaldon upang alamin ang posibleng sanhi ng biglaang pagtaas ng tubig nito noong Biyernes Santo, March 29, 2024.
Sa ginanap na 12th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ay inihayag ni PDRRM Officer Michael Calma na kaagad silang nagtungo sa Dupinga at nagpalipad ng drone upang mag-imbestiga dito.
Ayon kay Calma, nakita nila mula sa kuha ng drone sa kaliwang bahagi ng itaas ng bundok ang ginagawang Hydropower Power Plant doon at sa gawing kanan naman ay ang building structures ng quarters at mga heavy equipment.
Mula sa 2 kilometrong pagpapalipad nila ng drone sa ibaba ng bundok hanggang sa 2 kilometro sa taas ng bundok ay wala aniya silang nakitang maaaring naging dahilan ng biglaang pagtaas ng tubig.
Tinitingnan nilang dahilan ang malakas na pag-ulan sa lugar noong panahong iyon.
Matapos ang insidente kinabukasan ay nakipag-ugnayan aniya sila sa Department of Science and Technology para siguraduhin ang seguridad ng lugar at inabisuhang iactivate ang rescue team ng LGU Gabaldon.
Nagpalipad din ani Calma ang LGU Gabaldon ng drone kada tatlong oras para mamonitor ang lagay ng itaas ng bundok upang maging handa kung sakaling maulit ang insidente.
Sa rekomendasyon ni Calma ay nangangailangan na magkaroon ng coordination meeting ang PDRRMO, LGUs ng Gabaldon at Laur, DOST, Department of Natural Resources, Mines and Geoscience Bureau, Department of Tourism at Department of Interior and Local Government para sa long-term solution sa nangyaring insidente.

