Kasunod ng matagumpay na anti-illegal drug operation ng Philippine National Police (PNP) sa Alitagtag, Batangas, na nagresulta sa pagkakasamsam ng PhP13.3 bilyong halaga ng shabu ay walang nakikitang dahilan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para baguhin ang diskarte ng kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon.

Ito ang naging sagot ng pangulo sa mga mamamahayag noong Lunes April 15, 2024.

Tinaguriang “pinakamalaking paghakot ng droga sa kasaysayan ng Pilipinas, nang hindi nagresulta sa pagkamatay o karahasan” ang pagkakasamsam ng mahigit dalawang toneladang shabu sa checkpoint sa Batangas na nahigitan ang dating record na 1,589 teabags ng shabu na nagkakahalaga ng PhP11 bilyon sa Infanta, Quezon noong March 2022.

Mula July 2022 hanggang December 2023, nakapagsagawa ang pamahalaan ng 36,803 anti-illegal drug operations, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 49,700 drug personalities kabilang ang 3,284 na “high value targets” na may kabuuang halaga na PhP 16.24 bilyon.

Sa bilang ng mga naarestong suspek sa iligal na droga, nakapagsampa na ang gobyerno ng 47,516 na kaso kung saan 28,302 ang naresolba: 22,201 o 78.44 percent ang nagresulta sa conviction habang 2,427 o 8.58 percent ang nagresulta sa dismissal; at 3,674 o 12.98 percent ang napawalang-sala.

Hindi bababa sa 314,917 drug dependents ang sumailalim sa Community-Based Drug Rehabilitation Program habang ang 105 Balay Silangan Reformation Centers ay nakapagpa graduate ng 1,854.

Ang talaan ng gobyerno ay nagpakita na 28,243 o 67.24 porsyento ng mga barangay sa buong bansa ang idineklarang drug-cleared; 6,127 o 14.59 percent ang drug-free; at 363 o 0.86 porsyento ang apektado ng droga; habang 7,268, o 17.30 percent ang hindi pa nakaka-clear.

Inatasan ni Pangulong Marcos ang mga alagad ng batas na gumamit ng isang holistic approach sa problema sa droga sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kalusugan ng mga mamamayan habang hinahabol ang malalaking sindikato ng droga sa bansa.