LIBRENG OPERASYON SA GUIMBA DISTRICT HOSPITAL PATI TAGA DINGALAN, NAKINABANG

Itinuturing na “answered prayer” ng ilang pasyente ang isinagawang Surgical Caravan ng Nueva Ecija Provincial Health Office (PHO) sa Guimba District Hospital, matapos silang mabigyan ng pagkakataong maoperahan nang walang bayad matapos ang matagal na pagtitiis sa kanilang mga karamdaman.

Sa naturang surgical caravan, matagumpay na isinagawa ang dalawang major surgeries na kinabibilangan ng cholecystectomy at hemorrhoidectomy.

Bukod dito, 30 patients din ang naoperahan para sa minor cases tulad ng sebaceous cyst, lymphoma, skin tags, at warts.

Kasabay ng operasyon, namahagi rin ang PHO ng libreng gamot para sa mga pasyenteng sumailalim sa operasyon.

Ayon kay Dra. Nenita S. San Jose, Chief of Hospital II ng Guimba District Hospital, layunin ng surgical caravan na maghatid ng agarang lunas sa mga pasyenteng walang kakayahang magpagamot sa pribadong ospital at maiwasan ang paglala ng kanilang mga kondisyon.

Isa sa mga naoperahan ay si Jomalyn Lapurga, na halos isang taon nang tinitiis ang sakit mula sa gallstones.

Aniya, matagal na niyang dasal na maoperahan, ngunit walang pambayad sa private hospital, kaya para sa kanya ay “answered prayer” ang libreng operasyon na hatid ng Kapitolyo.

Para naman kay Frances Galvez na nagmula pa sa Dingalan, Aurora, malaking tulong ang libreng operasyon sa kanyang hemorrhoids bilang paghahanda sa kanyang aplikasyon sa trabaho abroad.

Mabuti na lamang aniya ay mayroon siyang kaanak na nagsabing mayrong libreng operasyon na isinasagawa sa mga hospital sa ilalim ng Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, si Carlito Lico ay limang buwan nang may cyst sa siko at agad na nagpaopera upang maiwasan ang paglala.

Habang si Teresita Galamay ay tinubuan ng maliit na tumor sa likod at wala umanong kakayahang magpagamot sa pribadong ospital.

Apat na taon namang tiniis ni Rodrigo Cruz mula sa Cuyapo ang kanyang cyst sa likod bago nabigyan ng pagkakataong maoperahan.

Ang Surgical Caravan ay bahagi ng patuloy na programang pangkalusugan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija sa pamamagitan ng PHO, upang mapalapit ang serbisyong medikal sa mga nangangailangan, lalo na sa mga kapos sa pinansyal.