FAN O DISTRAKSYON? BATA, SUMABAY AT GINAYA ANG CONTESTANT SA GITNA NG SINGING CONTEST

Hindi lang husay sa pagkanta ang bumida sa isang singing contest, kundi pati na rin ang kakulitan ng isang batang nakakuha ng atensyon ng mga manonood matapos gayahin ang bawat galaw ng contestant sa entablado.

Sa video na in-upload ng Crisseanbel TV Official, makikita ang naturang bata na todo sabay sa pagkanta ng kalahok habang ginagaya pa ang mga kilos nito sa entablado.

Habang umaawit ang contestant ng kantang “Banal na Aso,” abala rin ang bata sa baba ng stage na tila ba kasali rin sa patimpalak.

Nang bumaba ang contestant sa stage, bahagyang napatakbo palayo ang bata at nagtago sa likod ng mga hurado, ngunit agad din itong lumapit muli at muling ginaya ang bawat kilos ng mang-aawit, habang hawak ang tila sariling “mikropono.”

Umalingawngaw ang tawanan at hiyawan sa venue habang nagmistulang duet o showdown ang pagtatanghal ng dalawa. Pati mga hurado ay hindi napigilang matawa sa pagiging seryoso ng bata sa kanyang panggagaya.

Ayon sa mga netizen, kahanga-hanga ang contestant dahil nanatili itong kalmado at hindi natinag sa kabila ng nakakaaliw na “distraksyon.”

Marami rin ang pumuri sa performance, habang may ilan namang nagbiro na tila hindi na malaman kung sino sa kanilang dalawa ang tunay na kalahok.

May mga komento rin na baka pangarap din ng bata ang maging mang-aawit balang araw, dahil sa ipinakita nitong interes at kumpiyansa sa harap ng madla.

Umabot na sa 9.3 million views, mahigit 200,000 reactions, at higit 40,000 shares ang naturang video sa Facebook.