SENIOR CITIZENS SA CENTRAL LUZON, UMABOT NA SA HIGIT ISANG MILYON

Patuloy na dumarami ang bilang ng mga nakatatanda sa Gitnang Luzon, ayon sa Commission on Population and Development (CPD) Region III, na nakapagtala ng mahigit 1.09 million na senior citizens o 8.84% ng kabuuang populasyon ng rehiyon batay sa 2020 Census ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Nangunguna ang Bulacan na may 310,292 senior citizens, sinundan ng Pampanga na may 243,542, kabilang ang 31,588 mula sa Angeles City.

Pumangatlo ang Nueva Ecija na may 216,325 seniors, sinundan ng Tarlac na may 142,637, Zambales sa bilang na 87,609 kabilang ang 23,352 mula Olongapo City, Bataan na nakapagtala ng 73,677, at Aurora na may 20,290.

Lumitaw din na mas marami ang babaeng senior sa bilang na 605,501, kumpara sa lalaki na 488,871, na nagpapakita ng mas mahabang life expectancy ng mga kababaihan.

Noong October 3, 2025, ipinagdiwang ang Elderly Filipino Week sa Guimba, Nueva Ecija bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng mga senior citizen.

Sa naging mensahe ni CPD Region III Director Lourdes P. Nacionales, binigyang-diin niya na ang pagdami ng mga nakatatanda ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas maraming programang tutugon sa kanilang kalusugan, kabuhayan, at partisipasyon sa lipunan, alinsunod sa Philippine Population and Development Plan of Action (PPD-POA) 2023–2028, upang mapanatiling produktibo at kapaki-pakinabang ang bawat nakatatanda sa rehiyon.