Pagdadalamhati at pangungulila ang labis na nadarama ng pamilya ng OFW Accountant na pumanaw sa Al Khobar, Saudi Arabia na si Mario Madrid Villanueva sanhi ng stage 3 lung cancer.

Hindi makapaniwala ang mga anak na bangkay na lamang ng kanilang ama ang kanilang mahahagkan matapos ang 23 taong pagkakawalay nito sa kanila.

Ayon sa anak ni Mario, na si Ma. Cathlyn Padilla ang kanyang ama ay pabalik-balik na sa ICU dahil sa malubhang sakit nito na itinago sa kanila. Nalaman na lamang nila na ang kanyang ama ay nasa ospital na nang mabisita ito ng kanyang pinsan na OFW din sa Saudi Arabia.

Bago pa man magkaroon ng malubhang sakit si Mario, sa matinding pagnanais na maging maganda ang buhay ng pamilya sa Pilipinas, nagdesisyon si Mario na maging TNT upang ang pangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan ay maisakatuparan.

Labis ang panghihinayang at lungkot ang nadarama ng mga anak ni Mario, dahil sa pagkakataong nagkaroon ng malubhang sakit ang kanilang ama ay hindi nila ito naalagaan hanggang binawian ito ng buhay noong January 18, 2024, sa Al Khobar Hospital.

Sa halip na makasama at makabahagi ng mga espesyal na sandali ay mga labi na lamang ang kanilang nakapiling.

Sa tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ni Governor Aurelio “Oyie” Umali, napabilis ang pag-uwi ng mga labi ni Mario sa kanyang pamilya sa Mangino, Gapan City, sa pamamagitan ng Malasakit OFW Help Desk na tinutukan ang proseso mula sa Al Khobar hanggang sa Pilipinas.

Kaya kahit sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, lubos ang pasasalamat ng pamilya ni Mario Villanueva sa agarang aksyon at tulong na ibinigay ng pamahalaang panlalawigan.