Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa naganap na pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) – Digital Sector Group ang pagsulong ng internet connectivity sa bansa at pagbibigay ng isang milyong digital jobs.

Iprinisinta ng PSAC kay Pangulong Marcos ang kanilang inisyatiba upang paghusayin ang digital infrastructure at makalikha ng isang milyong digital jobs.

Kabilang dito ang pagkakaroon ng training para sa 10,000 Digital Civil Servants projects na naglalayong pag-igtingin ang digital services ng gobyerno.

Ayon sa PSAC, sisimulan ang proyekto sa pagsasanay ng 40 participants sa Singapore at sila rin ang magiging leader sa gagawing training sa Pilipinas.

Samantala, nangako ang Pangulo na lilikha ng one million digital jobs sa taong 2028 na maaaring maging solusyon sa pangangailangan ng labor market ng bansa.

Prayoridad din umano ang pagpapalawig ng internet connectivity sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), at ang PSAC ang gagawa ng detalyadong plano para sa digital connectivity sa buong bansa.

Hinikayat din ng Pangulo ang iba pang public servants na ipalaganap ang nasabing inisyatibo sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular sa mga lugar na walang access sa internet.

Sa kasalukuyan, ay inaayos na umano ng PSAC ang kanilang panukala para sa nationwide digital connectivity kasunod ng isang commercial agreement model para sa pagtatayo ng kinakailangang imprastruktura.