P3.6-B FOOD HUB SA CLARK, PALALAKASIN ANG AGRIKULTURA SA NORTHERN AT CENTRAL LUZON
Magtatayo ang Food Terminal Inc. (FTI) at Clark International Airport Corp. (CIAC) ng Clark National Foodhub sa Clark, Pampanga na nagkakahalaga ng P3.6 billion.
Nilagdaan nina FTI President Joseph Lo at CIAC President Joseph Alcazar ang kasunduan, na sinaksihan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon sa FTI, layunin ng proyekto na mapadali ang bentahan ng pagkain, matulungan ang mga magsasaka, at mapatatag ang suplay ng pagkain sa bansa.
Ang 46-hectares complex ay magiging pangunahing food trading at logistics center ng Hilaga at Gitnang Luzon, kung saan magkakaroon ng wholesale trading, cold storage, food processing, logistics, at agri-tourism facilities.
Magkakaroon din ito ng halal zone at mga espasyo para sa One Town, One Product (OTOP) enterprises.
Magsisimula ang pagpapatayo ng unang 10 ektarya ng proyekto sa susunod na taon.
Plano rin ng FTI at DA na magtayo ng dalawa pang mega food hubs, isa sa Bukidnon para sa Mindanao at isa sa Quezon Province para sa Southern Luzon at Bicol Region.

